(NI BERNARD TAGUINOD)
BAWAL nang magkaroon ng access sa social media tulad ng facebook, twitter, instagram at iba pa, ang mga batang edad 12 anyos pababa kapag naipasa ang isang panukalang batas na magkokontrol sa mga platforms.
Ito ang isa sa mga nakapaloob sa House Bill (HB) 5307 o “Social Media Regulation and Protection Act of 2019” na inakda ni Laguna Rep. Dan Fernandez dahil nakababahala na umano ang impluwensya ng social media sa mga kabataan.
“With the advent and creation of social media, children and adolescents’ every move is monitored online, and even the youngest are bombarded with advertising when they go online to do their homework, talk with friends and play,” ani Fernandez sa kanyang panukala.
Dahil dito, nais ng mambabatas na oobligahin ang social media na maglagay ng limitasyon at restriksyon sa paggamit sa kanilang mga platforms at huwag payagan ang mga batang 12 anyos pababa na magkaroon ng account sa kanila.
Sa ngayon ay maaaring magkaroon ng access sa social media ang sinuman kasama na ang mga bata dahil maaaring gumagamit ang mga ito ng pekeng pangalan at impormasyon.
Kailangan na aniyang matigil ito kaya dapat magkaroon umano ng bagong patakaran ang social media para tiyakin na pawang nasa tamang edad ang mga tatanggapin nilang account.
“Prohibiting social media from collection personal and location information from anyone under 13 to 17 yers old without the user’s consent,” ayon pa sa panukala ng mambabatas.
Kailangan din umanong may limitasyon sa oras ang paggamit ng mga 13 hanggang 17 anyos ang edad at huwag payagan ang mga ito na ma-access ang mga bawal na impormasyon.
“Automatically limiting time users can spend on a platform across all devices to 30 minutes a day. Users would be able to change the limits, they would have to do so every week,” ayon pa kay Fernandez.
175