WALANG negosyo ang mabubuhay kung walang empleyado.
Ito ang katwiran ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagsusulong na bigyan ng 14th month pay ang mga manggagawa sa pribadong sektor.
“The workforce fuels every aspect of the society – from the production to the delivery of products and services,” ayon sa explanatory note ng House Bill (HB) 8361 o “14th Month Pay Law” na inakda nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap.
Sa ngayon ay tanging manggagawa sa gobyerno ang may 14th month pay habang 13th month pay lamang ang natatanggap sa pribadong sektor.
Ayon sa mga mambabatas, binigyan ng 14th month pay ang mga empleyado sa pampublikong sektor dahil sa katuwiran na hindi aandar ang gobyerno kung wala ang mga ito.
“Likewise for the private companies, as their employees support the operations of the company to generate its income,” ayon pa sa nasabing panukala.
Dahil dito, nararapat lamang aniya na bigyan ng karagdang bonus ang mga manggagawa sa pribadong sektor kaya inihain ang nasabing panukala upang maobliga ang lahat ng employers.
Kapag naging batas ito, ang 13th Month pay ay ibibigay sa buwan ng Mayo o Hunyo habang ang 14th Month pay ang ilalabas ng employers bago matapos ang taon partikular sa Christmas season. (BERNARD TAGUINOD)
313