(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI lamang ang mga senior citizens sa bansa ang maililibre sa value added tax (VAT) at discounts a kanilang mga pangangailangan kundi ang mga kabataang Filipino.
Ito ay kung magiging batas ang House Bill (HB) No.67 o ang Junior Citizens Act na iniakda ni Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers upang matulungan umano ang mga kabataan.
Lahat ng mga batang edad 0 hanggang 12 anyos na anak ng mga Filipino na hindi tumatataas sa P250,000 ang kanilang income o kita kada taon ang target ng panukala na makinabang sa Junior Citizens Act.
Sa ilalim ng nasabing panukala na katapat ng Senior Citizens Law, bibigyan ang mga kabataan ng 20% discount at libre na rin ang mga ito sa VAT sa lahat ng kanilang medikal na pangangailangan.
Maging ang mga pagpapacheck-up o pagpapaospital lalo na sa mga private hospital ay magkakaroon ang mga ito ng 20% discount at hindi na sisingilin ang kanilang magulang ng VAT.
Kasama rin sa mga 20% discount ang pagbili ng kanilang milk supplement subalit ito y para lamang sa edad 4 anyos hanggang 12 anyos upang masiguro na sumunod ang mga ina sa batas ukol sa breastfeeding.
Magkakaroon din umano ang mga ito ng 20% discount sa mga sinehan, concert at sa mga amusement park at maging sa funeral at burial services kapag pumanaw ang mga ito.
“This bill aims to alleviate every parent’s financial woes by providing their children or Junior Citizens with benefits and privileges that they can enjoy. It is hoped this proposed measure will effectively address the concerns our our underprivileged junior citizens who play an important role in nation-building. If our government can give this to our senior citizens, there is no reason why we cannot also grant these benefits to our underprivileged Junior Citizens,” paliwanag ni Barbers sa kaniyang panukala.
Gayunpaman, nilinaw ni Barbers na pagtuntong ng mga batang ito sa edad 13 anyos ay hindi na nila mapakikinabangan ang nasabing pribilehiyo.
166