(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI lang mahigit 9 million kundi 25 million ang contractual employees sa Pilipinas na pinagkakaitan umano ng benepisyo tulad ng insurance protection.
Ito isa sa mga nilalaman ng House Bill 3381 o Anti-Endo Bill na ihinain ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukala.
Ayon sa mga militanteng mambabatas, kung ang IBON Foundation Databank ang pagbabasehan, P8.5 million ang contractual employees sa pribadong sektor habang 800,000 naman naman sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
“(But) according to labor group Kilusang Mayo Uno, the number of contractual workers exceed 25 million or 60% of the total employed,” ayon sa nasabing grupo sa kanilang panukala.
Sa datos na inilabas, sinabi ng grupo na 7 sa bawat 10 manggagawa sa construction sector ay hindi regular employees habang 5 lamang sa bawat 10 manggagawa sa real estate at 4 lang sa bawat 10 empleyado sa manufacturing ang hindi regular.
Kailangan umanong maipasa ang kanilang anti-endo version para matulungan ang mga manggagawang ito dahil ang mga ito ay walang benepisyo at mananatiling contractual employees kung hindi sila ipaglaban.
“Contractual workers have no or lower benefits, no social insurance protection, no right to self-organization, no promotion opportunities, have higher withholding taxes, and are targets of discrimination at work,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kaya hindi umano ang bersyon ng Malacanang ang dapat mangibabaw.
Magugunita na inatasan ni Duterte ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gumawa ng panukala na ibibigay sa Kongreso para i-balanse ang interes ng manggagawa at mga negosyante matapos nitong i-veto ang Security of Tenure Bill noong Hulyo 26.
“Walang ‘healthy balance’ sa usapin ng endo, dahil matagal nang pinapatay ng endo ang ating mga manggagawa. Iyong kagustuhan ni Pangulong Duterte na magpasa ang Kamara ng mas malabnaw at pro-business Endo Bill, ay katumbas na rin ng paghiling sa amin na pagtaksilan ang mga mangagagawa. Hindi namin iyan papayagan,” ani Gaite.
143