GAMIT ang P10 million boodle money, nadakip ng PNP-Cybercrime Group sa tulong ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang tatlong IT (information technology) experts na sinasabing nasa likod ng pag-hack sa Commission on Elections (Comelec).
Kinilala ni CICC Executive Director Cesar Mancao ang mga suspek na sina Joel Adajar Ilagan, alias Borger; Adrian de Jesus Martinez, alias Admin X at Jeffrey Cruz Limpiado, alias Brake/Vanguard at Universe.
Kabilang umano ang mga ito sa grupong XSOS na umaangking nag-hack sa system ng Smartmatic at ipinagmamalaking kaya nilang impluwensyahan ang magiging resulta ng eleksyon.
Konektado umano ang grupo sa pinaghahanap ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Ricardo Argana na dating empleyado ng Smartmatic.
Ayon kay Mancao, nahuli ang mga suspek sa entrapment operation noong April 23, 2022 sa Imus, Cavite at Sta. Rosa, Laguna.
Nasa P10-M ang hinihingi ng grupo kapalit ng kanilang gagawing serbisyo sa mga politikong kanilang ineengganyo.
Kinagat ng mga suspek ang alok na P10-M kaya sila nasukol ng PNP-CCG at CICC.
Mayroon na umanong inalok na mga politiko ang grupo sa pangakong kaya nilang i-hack ang Smartmatic at manipulahin ang voting/counting machine results.
Kabilang sa mga kasong inihain laban sa mga suspek ay paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 partikular ang system interference, illegal access at pagtatangkang gumawa ng cybercrime. (JESSE KABEL)
107