(NI NICK ECHEVARRIA)
MAHIGIT 400 bagong recuit na pulis ang isasailalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Field Training Program (FTP) para palakasin ang kanilang puwersa sa Metro Manila.
Pinangunahan ni NCRPO director, P/MGen. Guillermo Eleazar ang send-off ceremony nitong Huwebes sa 456 na mga bagitong pulis para sa Field Training Exercise kaugnay sa Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) Class 2018-01 NCRPO, 2016-02 HSS, at AVSEGROUP, kasama na ang Field Training Officer Service Duty.
Ayon kay Elezar, tatagal ng anim na buwan ang PSBRC training ng mga pulis sa Regional Training Center (RTC) at saka sila isasailalim sa Field Training Officers na direktang mangangasiwa sa pagsasanay sa kanila sa mga posibleng problema na makakaharap at tungkulin ng isang pulis sa lansangan bilang paunang exposure sa police community at sa aktuwal na trabaho.
Tiwala si Eleazar na mapapalakas ng grupong ito ng mga bagong pulis ang dedikasyon at commitment ng mga miyembro ng Team NCRPO sa kanilang pinalakas na kampanya laban sa kriminalidad.
Pinaalalahanan din ng hepe ng NCRPO ang mga bagong recruit na gampanang mabuti ang sinumpaang tungkulin at isabuhay sa pamamagitan ng pagsisilbi at pagbibigay proteksyon sa bayan.
