(NI LYSSA VILLAROMAN)
NAGTAPOS nitong Miyerkoles ng Corrections Basic Recruit Course (CBRC) ang nasa 472 na mga bagong correction officer at correction technical officer 1 upang mapunan ang kakulangan ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay sa modernization program sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Dakong alas 9:00 ng umaga ng Miyerkoles ay pinangunahan ni BuCor Director General Nicanor Faeldon ang naturang pagtatapos na ginanap sa BuCor Parade Ground, NBP Reservation.
Sinabi ni Senior Inspector Sonny Del Rosario, chief ng Public Information Office (PIO) ng NBP, ang mga nagsipagtapos ay matagumpay na nakapasa sa anim na buwan na pagsasanay na una nang na-recruit nang maging batas ang “Bucor Modernization Act of 2013”.
Ayon kay Del Rosario, karamihan sa mga ito ay itatalaga sa pitong penal colony na nasa ilalim ng BuCor sa buong bansa bilang mga corrections officer at technical officer.
Dagdag pa ni Del Rosario, kahit marami ang matagumapay na nagtapos sa naturang course ay magsasagawa pa rin ang BuCor ng recruitment dahil kulang pa rin ang kanilang mga tauhan.
Ipinaliwanag ni Del Rosarion na ang mga bagong graduate ay tutulong sa mga dati nang nakatalagang mahigit 300 miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagbabantay sa Maximum Security Compound ng NBP.
Matatandaan na ayon sa nakasaad sa “Bucor Modernization Act of 2013”, kinakailangan nang mag-upgrade ng pasilidad ang BuCor, antas ng kwalipikasyon ng kanilang mga tauhan, salary standardization, retirement benefits at iba pang mga benepisyo para sa mga nagtatrabaho dito.
354