(NI BERNARD TAGUINOD)
PALALAWIGIN ang termino ng mga congressmen at mga local officials ng apat hanggang limang taon mula sa kasalukuyang tatlong taon upang mabawasan umano ang pamumulitika sa bansa.
Ito ang unang target ni Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano sa inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte na maunang maging House Speaker sa term-sharing nila ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.
“Tingin ko kung bakit panay pulitika tayo, maigsi masyado ang three-year term so kung papayagan tayo ng taongbayan, dapat four or five years,” ani Cayetano sa isang panayam.
Dahil dito, maghahain umano ng panukalang batas si Cayetano para amyendahan ang Saligang Batas kung saan idedetalye ang pagpapalawig sa termino ng mga local officials kasama na ang mga kongresista upang malinaw umano sa taumbayan.
“Alam mo naman pag sinabing Cha-cha, (iisipin ng tao na) baka may isingit kayong mga pulitiko dyan,” ani Cayetano subalit maliban dito ay hindi na idinetalye kung ano pang mga probisyon sa Saligang Batas ang kanilang aamyendahan.
Sa ngayon ay tanging ang mga senador ang may 6 na taong termino kasama ang presidente at bise president habang tig-tatlong taon lang sa mga congressmen at mga local officials.
Noong panahon ni dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, ipinasa ng Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No.15 amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng Consituent Assembly (ConAss).
Kabilang sa nilalaman ng Cha Cha ni Arroyo ay gawing 4 taon na taon ang termino ng Presidente at Bise Presidente subalit maaari silang tumakbo para sa ikalawa at huling termino.
Maliban dito, tanging ang mga may pinag-aralan o college degree holders ang maaaring maging mambabatas at apat na taon ang kanilang magiging termino kasama ang mga halal na local officials.
Gayunpaman, hindi inaksyunan sa Senado ang RBH No.15 kaya walang nangyaring pagbabago sa Saligang Batas.
187