MASAMA ang loob ng mga pamilya ng SAF 44 kay Vice President Leni Robredo dahil sa pakikipag-alyansa nito sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na isa sa mga dahilan kung bakit napatay sa ambush ang mga bayaning pulis noong Enero 25, 2015.
Nagtataka ang mga pamilya ng mga biktima kung bakit sa dami umano ng grupong puwedeng mahingan ng suporta ay sa MILF pa lumapit si Robredo, samantalang batid nito ang pait at kataksilan na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay sa kamay ng mga ito.
“Nanay ka ba talaga, Mrs. Robredo? Vice-President ka ba talaga? Dahil lang sa ambisyon mo sa pulitika, kinalimutan mong may 44 kaluluwa ang humihingi pa rin hanggang ngayon ng hustisya dahil sa kagagawan ng MILF? Nasaan ngayon ang iyong konsensya,” anang isang magulang ng isa sa SAF 44 member na humiling huwag nang banggitin ang pangalan.
Sinabi nitong maraming grupo ang puwedeng lapitan ni Robredo kung talagang gusto nitong manalo sa May 9 elections, pero ang makipag-alyansa pa sa MILF ay hindi dapat at lalo lang itong nagbibigay ng sakit sa kanila.
Samantala, isang anak ng Gallant 44 ang nagsabi rin na hanggang ngayon ay nangungulila siya sa pangangalaga ng isang ama.
Bata pa umano siya noong mapatay ang kanyang ama, ngunit ngayong nagkakaisip na, palagi niyang iniisip kung ano ang pakiramdam ng isang batang lumaki nang may tatay na naggagabay sa kanya.
“Hindi po ito politics. It’s about sensitivity para sa family ng victim ng Mamasapano massacre. Wala na ngang justice hanggang ngayon tapos may isang vice-president na tumatakbo sa pagka-presidente ang magmamalaki na allied siya ng MILF na pumatay sa tatay namin? How dare you, Leni Robredo,” sabi pa nito.
Kung matatandaan, ibinida ng kampo ni Robredo ang suportang nakuha mula sa MILF political party.
Nagpakuha pa ito ng larawan kasama ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP), kasabay ng pagsasabing malaking bagay ito para makakuha ng malaking boto sa Mindanao si Robredo.
Ang SAF 44 ay mga bayaning pulis mula sa 5th Special Action Battalion, 55th, 45th at 84th Seaborne Company ng Special Action Force (SAF) na napatay ng MILF at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, may pitong taon na ang nakaraan.
Tinawag na Oplan Exodus, tinangka ng mga pulis na arestuhin ang Malaysian terrorist at bombmaker na si Zulkifli Abdhir sa kuta ng mga bandidong Muslim sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Pinagtulungang i-ambush ang mga pobreng pulis ng BIFF at MILF na nagresulta sa pagkalagas ng 44 miyembro ng SAF.
May 14 na pulis din ang nasugatan sa malagim na engkuwentro.
Isinisi ang pagkamatay ng mga batang pulis na ang edad ay mula 26 hanggang 40 sa kapalpakan ni dating Pangulong Noynoy Aquino dahil kahit suspendido ang hepe ng PNP chief noong panahong iyon na si Alan Purisima ay pinahintulutan itong makialam sa operasyon ng Oplan Exodus.
Isa ang SAF 44 massacre sa dahilan kaya nasira ang popularidad ng dilawan sa mamamayang Pilipino.
Si Robredo na inendorso at ikinampanya ni Aquino noong 2016 national elections ay isa ring ‘true blooded yellow’.
160