NIRESBAKAN at muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang oposisyon na aniya’y nag-aambisyong makabalik.
Kasabay nito, nanawagan ang pangulo sa publiko na huwag paniwalaan ang oposisyon na wala naman aniyang ginagawa kundi ang mamulitika.
“The things that you would know, huwag kayong maniwala diyan sa oposisyon. Walang ginawa ‘yan, gusto lang ‘yang bumalik.
Kasi kung maaari lang ibigay ko na lang para hindi na sisirain ang Pilipino. Hindi na tayo masira. Ibigay ko na lang. Iyong naiwan ko sige inyo na. Tapos na rin ako ilang taon na.
Sa katunayan, ang inaatupag aniya ng oposisyon ay dumihan ang administrasyon para sila ang bumango at pumuti.
“Ito wala itong ginawa kung hindi mamulitika. Tama ‘yung sabi ni Bong “If you want to appear white, you paint the other person black.” Pinturahan mo ng itim at ika’y puputi. Painting the other guy black so that you would appear white. Iyan ang ginagawa nila. Pinipinturahan kami ng itim para bumango sila, maputi sila,” dagdag na pahayag ng pangulo.
At maging pati ang mga tinaguriang komunista na aniya’y nakapasok na sa gobyerno ay binanatan din ng pangulo na pawang dawit sa tinatawag na grand conspiracy.
Special mention naman ng Pangulo si Representative Carlos Zarate na aniya’y kanyang binabantayan.
“O tingnan mo anong ginawa ng…? Saan nakipagkunsabo pati itong mga komunista sa nakapasok sa gobyerno. Do you think that we will stop there? I said you are a member of a grand conspiracy of communism, lahat kayo. The act of one is the act of all. Ikaw, Zarate, bantay ka. Medyo… Sabi niyo paalis na ako? Well, really?,” lahad ng pangulo.
Samantala, binuweltahan din ni Presidential spokesperson Harry Roque si dating Special Adviser to National Task Force against COVID-19 Dr. Tony Leachon sa pahayag nitong hindi bukas ang gobyerno sa kritisismo.
Ipinamukha ni Sec. Roque kay Leachon na marunong tumanggap ng kritisismo ang pamahalaan pero may pasubali.
Giit ni Sec. Roque, ang hindi tinatanggap na kritisismo ng gobyerno ay galing sa mga nagnanasa na makaposisyon at naninira ng iba para makakuha ng posisyon sa pamahalaan.
Naging bahagi ng National Task Force COVID-19 si Leachon na nag-anunsiyo nuong Hulyo na wala na siya sa Task Force.
Kamakailan lamang ay kinuwestiyon ng health advocate ang target ng pamahalaang kumuha ng vaccine sa Sinovac sa kabila ng umano’y kakulangan sa efficacy at safety data ng naturang bakuna.
Kinuwestiyon din ni Leachon ang datos ng DOH sa COVID-19 dahilan upang maging si Pangulong Duterte ay magduda kung kakampi’t katuwang ba ng gobyerno ang health advocate. (CHRISTIAN DALE)
