(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINALAMPAG ni Senador Sonny Angara ang Department of Health (DOH) sa kanilang imbentaryo ng bilang ng mga doktor, dentista, nars at mga midwife sa bansa.
Sinabi ni Angara na dapat magsumite ang DOH ng listahan ng lahat ng medical staff sa bansa taun-taon upang namomonitor ang bilang ng mga ito.
“Tingin ko meron talaga dapat na running national inventory. Sa kaso ng DepEd at PNP, yung budget submission nila, klaro doon kung ilan ang kulang na mga guro at mga pulis. Sa DOH, sa siyam na taon ko sa House at pitong taon sa Senado, hindi pa ako nakatisod ng ganitong datos na on an annual basis pinapadala. Wala tayong ‘status of health forces’ report,” saad ni Angara.
Binigyang-diin ng senador na nasa P2.45 bilyon ang ipinanunukalang pondo para sa Human Resources for Health (HRH) ng DOH sa susunod na taon.
“Another P7 billion is lodged within the Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) so coupled with the P2.45 billion, there is P9.45 billion for the DOH-paid doctors, nurses, midwives, dentists to be deployed mostly to poor communities and the countryside,” diin ni Angara.
“Ang tanong ngayon ay sapat ba ito? Does this fulfill a major mandate in the Universal Heath Care Law which is to build up and boost our national pool of health professionals?” dagdag pa nito.
Iginiit ni Angara na sa pamamagitan ng P7 bilyong pondo sa MPBF, sapat na ito para makakuha ng 11,614 health professionals.
Kabilang dito ang 744 doctors, na ang 400 ay isasailalim sa Doctors to the Barrios program habang ang 344 na doktor ay para sa medical residency programs ng mga pagamutan.
“Ang dentista kulang talaga. 209 lang ang deployed under the HRH program ngayong 2019. Lumalabas na 1 in 7 towns lang meron,” saad pa ng chairman ng Senate committee on finance.
“Bakit ko na-raise ito? Kasi meron tayong 4,006 new physicians, yung mga kapapasa lang ng board. Di hamak marami sa kanilang gusto magsilbi sa underserved at sa unserved areas,” giit pa ni Angara.
430