(NI BERNARD TAGUINOD)
NATUTULOG sa Kongreso ang panukalang batas na tatapos sana, hindi lamang sa political dynasty kundi, sa private armies sa Pilipinas.
Dahil dito, umapela si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun sa liderato ng Kongreso, partikular na sa House committee on suffrage and electoral reforms, na dinggin na ang nasabing panukala.
Ang House Bill (HB) 110 na magbabawal sa political dynasty ay inendorso sa nasabing komite noong Hulyo 23, 2019 subalit hanggang ngayon ay hindi pa umano itong isinasalang sa pagdinig.
Base nasabing panukala, ipagbabawal na sa isang pamilya ng mga pulitiko na sabay-sabay na tumakbo ang mga ito sa iba’t ibang posisyon sa kanilang probinsya na siyang nangyayari sa kasalukuyan.
Kapag naging batas ang nasabing panukala, isang miyembro sa isang pamilya lamang ang puwedeng tumakbo hindi tulad ngayon na marami sa mga political family ay nakaupo sa iba’t ibang puwesto.
Ilang beses na ring ihinain ang nasabing panukala sa mga nagdaang Kongreso subalit hindi rin ito inaksyunan.
Gayunpaman, umaasa si Fortun na bibigyan pansin ang nasabing panukala kasunod ng pagsentensya sa ilang miyembro ng angkan ng Ampatuan sa Maguindanao, ng habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa Maguindanao massacre.
“For the larger picture, the Maguindanao massacre is a result of political warlordism which is true not only in Maguindanao but in other parts of the country and perpetrated by political dynasties,” ani Fortun.
Kapag nabuwag umano ang political dynasties ay mabubuwag na rin ang private armies na ginagamit ng mga pulitiko para manatili ang mga ito sa kanilang kapangyarihan.
“This case (Maguindanao massacre) should serve as a challenge to all branches of government to wipe out all private armies, seize and destroy all illegal firearms, and prosecute all lawless elements wherever they may be,” ayon pa sa kongresista.
150