Ayuda sa rice retailers kinuwestiyon ng senador PRICE CONTROL SA BIGAS PAPOGI LANG NI BBM

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

PAPOGI lang ang price cap na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil hindi ito sagot sa namamayaning rice cartel at smuggler.

Ayon sa grupong KAMPILAN o Kasamahan ng Maralitang Pilipino, pahihirapan lang ng price control ni Marcos ang maliliit na retailer na nagtitinda ng bigas.

Gayundin ang mga magsasaka dahil posibleng bumagsak ang presyo ng palay. Malulugi ang maliliit na negosyante at magsasaka kaya lalong mawawalan ng supply ng bigas.

Binanggit pa ng grupo, itinalaga ni Pangulong Marcos ang sarili bilang Department of Agriculture Secretary. Pero bilang Agriculture Secretary, hindi niya mapigil ang rice smuggler at rice cartel.

Sa halip na mapababa ang presyo ng bigas, lalo pa itong tumaas.

Sa huli, nanawagan sila kay Marcos na ibaba ang presyo ng bigas, permanenteng tugunan ang pangangailangan sa pagkain, at magbitiw siya bilang DA Secretary.

Alas-9 ng umaga ng Miyerkoles ay nagdaos ng kilos protesta ang nasa 300 miyembro ng Kampilan sa harapan ng tanggapan ng Department of Agriculture sa Elliptical Road, Diliman, Quezon City.

Dito, hiniling nila ang pagbibitiw ni Marcos bilang kalihim ng DA, ang pagbaba ng presyo ng bigas, parusa sa mga rice smuggler at cartel at ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Ang Kampilan ay pederasyon ng urban poor at informal workers sa kalakhang Maynila at mga kalapit na lalawigan na naghahangad ng sapat na pabahay, disenteng trabaho at sapat na pangunahing serbisyo.

Samantala, kwestyonable para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel ang plano ng pamahalaan na maglaan ng P2 bilyon para sa ayuda sa rice retailers na maaapektuhan ng itinakdang price ceiling sa bigas.

Nagtataka si Pimentel kung bakit kailangang maghanap ng pang-ayuda kung naninindigan ang gobyerno na ang price ceiling ang sagot sa problema sa mataas na presyo ng bigas.

Halos 20 percent na anya ng budget ng National Food Authority ang P2 bilyon.

Para sa senador, mas makabubuting ipag-utos ang pagpapalabas ng stock ng bigas ng NFA na nagkakahalaga ng P2 bilyon bukod pa sa dapat tutukan ng Department of Agriculture ang pagresolba sa mga problema sa sektor ng agrikultura.

Iginiit naman ni Senator Risa Hontiveros na kung magbibigay ng ayuda sa rice retailers, kailan ito ibibigay at kung ibabatay ito sa dami ng benta kada buwan at kung magkano nila ito nakuha.

Hindi rin anya masisisi ang mga retailer kung tumigil magbenta ng bigas habang wala pa ang ayuda.

Para kay Hontiveros, ang dapat bigyan ng ayuda ng pamahalaan ay ang mga consumer na nasa listahan ng Department of Social Welfare and Development na poor at near poor.

Dapat din anyang tutukan ang mga importer, traders at wholesalers at hindi ang retailers kung nais mawala ang rice hoarding at price manipulation.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

305

Related posts

Leave a Comment