(NI NOEL ABUEL)
UMAPELA ang isang senador sa taumbayan na tumulong na mabawasan ang malaking populasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagbabalik sa kanilang mga probinsya.
Sinabi ni Senador Christopher Lawrence Go na base sa nakikita nito ay marami sa mga nakatira sa Metro Manila ang nagsusumiksik sa Maynila sa pag-aakalang may malaking pag-asa ang mga ito para umunlad.
Nakahanda aniya ito na sagutin ang pamasahe ng mga pamilyang tutugon sa apela nito sa lalong madaling panahon.
“Kung gusto niyo umuwi ng probinsya, ako na mamasahe sa iyo. One way lang,” giit ni Go.
Paliwanag pa ng senador na kung titingnan ang kasalukuyang sitwasyon sa MM na hindi masolusyunan ang problema sa trapiko ay mas maganda nang mamuhay sa probinsya.
“Alam ninyo matagal na po ang traffic sa Manila, kahit anong gawing challenge ni Panelo hindi po maso-solve ‘yan,” paghahalimbawa pa ni Go sa ginawa ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kumpara sa commute challenge ng militanteng grupo.
Samantala, isinusulong ni Go ang pagkakaroon ng mga bagong syudad sa labas ng MM para maibsan ang pagsisikap ng trapiko.
“Napakahirap i-solve ang traffic ng Manila, kaya po, panahon na siguro na magkaroon na tayo ng bagong siyudad, labas tayo ng Metro Manila, sa Clark,” sabi nito.
“Ngayon may New Clark City, siguro sa Batangas. Kahit sa Davao din po gumawa tayo ng bagong siyudad, doon na lang po natin ilagay para malalapad pa po ang mga kalye, eh dito wala na pong lugar, no space for expansion dito,” dagdag pa ni Go.
137