BBM ADMIN DEDMA SA OIL PRICE HIKE

BAGAMA’T lalong nababaon sa kahirapan ang sambayanang Pilipino sa oil price hikes, mistulang dedma o walang pakialam dito ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ganito inilarawan ni dating Bayan Muna party-list rep. Carlos Zarate na tila walang pakialam ang administrasyon sa panibagong oil price hike kung saan aabot sa halos dalawang piso ang itataas ng mga produktong petrolyo.

“This continuing oil price spiral is unacceptable and will further push our people deeper into economic hardship. While oil companies continue to rake in massive profits, ordinary Filipinos bear the brunt of these repeated price hikes that affect not just transportation but all basic commodities,” ayon sa dating mambabatas.

Kaya aniyang kontrolin ng gobyerno ang walang humpay na oil price increase at epekto nito sa buhay ng mga Pilipino subalit walang ginagawang aksyon ang mga ito.

Sangkatutak aniya ang panukalang batas na nakahain sa Kamara para makontrol ang problema at maproteksyunan ang mga consumers subalit hindi ito binibigyan ng pansin dahil hindi ito prayoridad ng administrasyong Marcos Jr.

Inihalimbawa nito ang House Bill (HB) 3004 o Oil Price Unbundling bill para malaman kung overpriced o hindi ang presyo ng mga oil companies sa bansa subalit hindi ito gumagalaw sa Kongreso.

Inaasahan ang higit P2 kada litro na dagdag sa presyo ng krudo ngayong Martes.

Posible umanong dulot ito ng mahinang piso, ayon sa Department of Energy (DOE). Bukod pa rito ang epekto umano ng pagsisimula ng panahon ng bagyo sa Estados Unidos.

Bukod sa krudo, asahan din ang P1.50 dagdag-presyo sa kada litro ng gasolina habang nasa P1.20 naman ang posibleng umento sa kerosene. (BERNARD TAGUINOD)

98

Related posts

Leave a Comment