(NI BERNARD TAGUINOD)
UUMENTUHAN ng national government ang tinatanggap na benepisyo ng mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala sa 4Ps sa susunod na taon.
Ito ang isa sa mga nilalaman ng 2020 national budget sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion, mas mataas kumpara sa P3.662 Trillion ngayong 2019.
Base sa mga dokumento na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga lider ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Alan Peter Cayetano nitong Martes, nabatid na P108.8 Billion ang inilaang pondo para sa 4Ps sa susunod na taon.
Mas mataas ito ng P20.7 Billion kumpara sa P88.1 Billion na pondo ng 4Ps ngayong 2019 para sa 4.4 milyon benepisaryo dahil daragdagan ang benepisyo ng mga ito sa susunod na taon.
“Starting 2020, the health and nutrition cash grants of qualified households will increase from P500 to P750 every month to accommodate the rise in prices,” ayon sa DBM.
Magiging P750 mula sa kasalukuyang P500 ang matatanggap na educational cash grants ng bawat anak ng isang pamilya na naka-enroll sa Senior High School simula sa 2020.
Ang 4Ps ay unang ipinatupad ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo para tulungan ang mga mahihirap na pamilyang Filipino kapalit ng pagpasok ng kanilang mga anak sa eskuwelahan at regular na pagpapa-check-up.
Itinuloy ito ni dating pangulong Benigno Aquino III at ngayon ay ginawang institusyon na ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos pirmahan ang Republic Act No. 11310 o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act noong Mayo 2019.
Kasama rin sa dagdag na benepisyo ng mga miyembro ng 4Ps ngayong taon ay pambili ng bigas kada buwan na nagkakahalaga ng P600 pawang pamilya na nabibilang sa poorest of the poor.
402