BITAY SA GOV’T OFFICIAL NA MAGNANAKAW NG P100-M

NAIS ng isang grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mabitay ang mga government official na magnanakaw ng hanggang P100 million sa kaban ng bayan.

Ayon kay Cibac party-list Rep. Eddie Villanueva, panahon na para bitayin ang mga corrupt official dahil ang mga ito umano ang hadlang sa pag-unlad ng bansa at nagpapalugmok sa sambayanang Pilipino sa kahirapan.

“Biblically, ang death penalty ay approved ng Dios sa heinous crime kaya naisip namin sobra ang corruption kahit anong gawin natin kaya ang unang batas na isa-submit namin ay death penalty para sa mga government officials na mapatunayang nagnakaw ng P100 million plus sa kanilang kabuhayan,” ani Villanueva.

Si Villanueva ang lider ng religious group na Jesus Is Lord (JIL) ay umamin na tutol ito noong una sa death penalty lalo na’t hindi pa maayos ang sistema ng hustisya sa bansa subalit nagbago ang isip nito dahil sa lumalalang katiwalian sa Pilipinas.

Isa sa mga ebidensya aniya rito ang 2023 Corruption Perception Index ng international watchdog na Transparency Internationale kung saan ang Pilipinas ay pang-115 sa listahan ng 180 bansang may malaking problema ng corruption.

Bukod dito, inireport aniya ng Office of the Ombudsman na 20% sa national budget ay ibinubulsa ng mga tiwali sa pamahalaan.

“Tunay na ang corruption ay tanikala na humahadlang sa totoong pag-unlad ng ating bayan at kababayan. Ang major na ugat ng matinding kahirapan ng sambayanang Pilipino,” ayon pa kay Villanueva.

Sa ngayon ay kasong plunder lamang na may parusang habambuhay na pagkabilanggo ang maaaring isampa sa isang government official na mapatutunayang nagnakaw ng hindi bababa sa P50 million. (BERNARD TAGUINOD)

71

Related posts

Leave a Comment