(NI KEVIN COLLANTS)
INIANUNSIYO ng Philippine National Railways (PNR) na naging matagumpay ang isinagawa nilang inspection trip sa kanilang mga tren mula Tutuban, sa Maynila patungong Camarines Sur at pabalik.
Ayon sa PNR, isinagawa ang naturang inspection trip bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng biyahe ng PNR patungong Kabikulan.
Umalis ang tren sa Tutuban noong Biyernes, Setyembre 20, patungong Camarines Sur at nakabalik nitong Lunes, Setyembre 23.
Tumagal lamang ng 12 oras at 44 na minuto ang biyahe mula Naga hanggang Tutuban, na tatlong oras na mas mabilis kaysa sa normal na biyahe mula Naga pa-Maynila.
Kabilang umano sa mga dinaanan ng tren mula Tutuban, Manila ay ang mga bayan ng San Pablo sa Laguna; Lucena City sa Quezon Province; Sipocot sa Naga City at Iriga City sa Camarines Sur.
Dahil naman dito, inaasahang bubuksan na ang Main Line South (MLS) biyaheng Iriga City at handa nang magsakay ng mga rolling stock material mula Maynila at Bicol at pabalik.
Ayon sa PNR, sakay ng nasabing inspection trip ang kanilang inspection team mula sa PNR Operations Engineering at Rolling Stock Management and Planning.
292