(NI BERNARD TAGUINOD)
NANINIWALA ang militanteng grupo na binuhay ang “hunt for bounty” laban sa mga aktibista na itinuturing ng estado na mga miyembro ng komunista kaya tuloy- tuloy ang pagpatay sa kanilang hanay.
Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang nasabing pahayag kaugnay ng kaso ng kanilang dating spokesman sa Bicol region na si Neptali Morada na itinumba sa Naga City noong Hunyo 17.
Ayon kay Zarate, mula noong Marso 2018, ay nilapitan na umano ng mga sundalo si Morada para papirmahin ng dokumento na nagsasabing surrenderer ito subalit tumanggi umano ito.
“This can be linked to the money-making schemes similar to the Department of National Defense (DND) and the Department of Interior and Local Government (DILG) Joint Order No. 14-2012 during the time of President Benigno Aquino III which lists alleged “235 wanted communists” with a total monetary reward of P466.88 million would be revitalized,” ani Zarate.
Bago ito, umaabot naman sa 1,206 ang biktima ng extrajudicial killing at 206 ang biktima ang enforced disappearance dahil sa Oplan Bantay Laya noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Dahil patuloy ang nangyayaring EJK sa hanay ng mga militanteng grupo, sinabi ni Zarate na posibleng binuhay ang “hunt for bounty” laban sa mga aktibista tulad ni Morada.
“Mukhang ang paghabol kay Morada para sumuko daw ay parte lamang ng pakana ng militar para kumita mula sa budget para sa raket nilang ‘fake surrenderees’. Nang hindi pumayag si Morada na magpagamit ay itinumba na lang siya,” ayon naman kay Bayan Muna Congresswoman-elect Eufemia Cullamat.
Nakakalungkot, ayon kay Cullamat, subalit ganito umano ang ginagawa ng militar sa mga katutubo lalo na sa mga Lumad na ipinalalabas na marami umano kung sumuko ang mga ito kahit hindi naman sila NPA.
“Pinagkakakitaan lang nila ang takot at kahirapan ng mga katutubo at mahihirap,” dagdag pa ni Cullamat.
162