(NI BERNARD TAGUINOD)
MATATAPOS na sa Biyernes ang budget briefing sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang tiniyak ni Deputy Speaker Johnny Pimentel sa kabila ng pagwithdraw ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte sa House Bill 4228 o General Appropriations Bill (GAB).
“We expect to finish the budget hearings by Friday. We are right on schedule,” ani Pimentel matapos ang halos tatlong linggong pagdinig sa P4.1 Trillion national budget ng gobyernong Duterte sa susunod na taon.
Noong Agosto 20 ay ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) ang proposed budget ng Malacanang para sa susunod na taon, sa Kamara at agad na sinimulan ang pagdinig noong Agost 22.
Dahil dito, halos tatlong linggo lang trinabaho ng Kamara ang pambansang pondo at agad na isasalang ito sa debate sa susunod na linggo sa plenaryo at nakatakdang ipasa sa unang linggo ng Oktubre.
Samantala, ikinokonsidera umano ng House committee on appropriation na magkaroon ng supplemental budget para sa mga proyekto na nire-request ng mga mambabatas sa kanilang distrito.
Ginawa ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang pahayag dahil umaabot umano sa 68 congressmen ang humihingi ng dagdag na pondo para sa mga proyekto sa kanilang lugar.
“This is just one of the possible options. We will study how we’ll be able to resolve the concerns,” ani Ungab.
Ito na lamang umano ang solusyon dahil hindi na maaaring baguhin ang proposed budget ng Malacanang at ayaw umano ng mga ito na madelay ang pagpapatibay sa nasabing pondo.
185