(NINA DAHLIA S. ANIN, LILY REYESPHOTO BY JIMMY CARBO)
NAGPAALALA ang Pagasa weather bureau sa mga mamamayan na magdala ng payong buong Linggo dahil sa mga pag-ulan sa buong Linggo.
Ito ay matapos ang malakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Metro Manila madaling araw ng Martes, na nakapagdulot ng pagbaha na ang iba ay umabot pa ng hanggang lagpas -tao.
Ayon kay Nikos Peñaranda, weather speacialist ng Pagasa, apektado ng ulan ang ilang Kanlurang bahagi ng Visayas, Southern at Central Luzon, kasama ang Metro Manila, Panay, Negros, Mindoro, Bataan at Zambales.
Namataan din ang isang low pressure Area sa 470km sa Silangang bahagi ng Aparri, Cagayan noong Martes ngunit, hindi ito makakaapekto sa bansa.
Patuloy naman sa pagbaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan na pumalo na sa 158.77 mm na mas mababa sa 160mm na kritikal level ng dam.
Naitala ang pinakamababang lebel ng tubig sa Angat Dam noong July 18, 2010 na 157.56mm ayon sa Pagasa.
Kailangan umano ng Angat ng 1300mm tubig ulan para bumalik sa normal na lebel ang tubig, ayon kay Sonia Serrano, Pagasa hydrologist.
Sa kabilang banda, bahagyang tumaas ng 0.54 meters ang tubig sa La Mesa Dam na nasa 69.2 meter na ngayon dahil sa sunud-sunod na pag ulan.
Nagbabala ang weather bureau na posibleng magkaroon ng baha at landslide sa kasagsagan ng thunderstorms sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, Unti-unti nang humuhupa ang lagpas-taong tubig baha sa Brgy. Roxas District, Quezon City sanhi ng matinding pagbuhos ng ulan sa ilang parte ng Metro Manila sanhi ng thunderstorm at makakapal na ulap na pinaigting ng LPA sa Northern Luzon.
Ilang sasakyan at bahay ang nalubog sa baha sa nasabing lugar kung kaya marami ang umakyat muna sa mga bubungan.
Nilinaw naman ng Pagasa na wala pang bagyong umiiral sa Pilipinas, ngunit posibleng lumakas ang isang namumuong sama ng panahon.
Inaasahang magiging ganap itong tropical depression sa susunod na mga oras, ngunit hindi tatama ng direkta sa lupa.
Palalakasin nito ang habagat na maaaring magdala ng baha at pagguho ng lupa sa Metro Manila, Central Luzon at ilang lugar sa Visayas.
Sa kabila nito ay kapos pa rin ang naitalang antas ng tubig sa La Mesa Dam na pinagkukunan ng tubig sa buong Metro Manila.
152