(NI BERNARD TAGUINOD)
TINAWAG ng isang party-list congressman si dating National Youth Commission (NYC) chair Ronald Cardema na isang “ilusyonado” dahil sa pahayag nito na mayroong ‘bagman’ si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon.
Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite ang nasabing pahayag dahil hanggang ngayon ay ayaw pangalanan ni Cardema ang congresswoman na binigyan umano nito ng P2 million para kay Guanzon.
“Ilusyon lang siguro ni Cardema yun. Parang ilusyon na youth pa siya,” pahayag ni Gaite dahil kung talagang nangyari umano ang bayaran ay matagal na niyang pinangalanan ang congresswoman lalo na’t malabo itong maging kinatawan ng Duterte Youth sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang Duterte Youth ay nakakuha ng isang upuan sa Kamara ngayong 18th Congress subalit wala pang kinatawan ang mga ito dahil si Cardema na nagpalista bilang first nominee ay 34-anyos na.
Base sa batas, hanggang 30-anyos pababa ang edad ng magiging kinakatawan ng Youth sector sa Kongreso subalit dahil 34-anyos na si Cardema ay ibinasura ng Comelec ang kanyang nomination.
Dito na sumabog ang bangayan nina Cardema at Guanzon kung saan inakusahan ng dating NYC na humingi ang Comelec official ng P2 million kapalit ng pagpabor sa kanyang nominasyon na idinaan sa isang datihang congresswoman.
Ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro, hindi na dapat aniyang patulan si Cardema hangga’t hindi naglalatag ng ebidensya sa kanyang mga alegasyon, hindi lamang sa Comelec kundi sa isang congresswoman.
“Hangga’t pinapatulan ‘yan, hindi yan titigil,” ani Castro.
466