MAIHAHAMBING sa halamang Makahiya ang bilis na ipinamukha ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagtiklop sa 301 kapwa niya kongresista nang ‘supalpalin’ ng ilang mambabatas ang panukalang “pansamantalang prangkisa” na ibibigay sa ABS-CBN Broadcasting Corporation.
Mistulang maldita, matinik at matikas ang itsura ng Makahiya habang nakatanim sa damuhan, ngunit kapag ginalaw, lalo na kung supalpalin ng kamay, ay napakabilis titiklop ang mga dahon nito.
Kung sisipating mabuti, si Cayetano ay mistulang nagmaldita at napakabilis ding nagbago ang isip at desisyon tungkol sa pansamantalang prangkisa (provisional franchise).
(‘Maldita look’ inilantad, nagbago rin ang posisyon)
SA pagpapatuloy sa talakayan at pagtatalo ng mga kongresista hinggil sa House Bill No. 6732 mula Lunes hanggang Martes ay mabilis na ipinatigil at ipinaatras ng liderato ng Kamara de Representantes ang kaganapan.
Hindi tumutol dito si Speaker Cayetano na pangunahing may-akda at isponsor ng HB 6732.
Inilantad ni Cayetano ang kanyang ‘maldita look’ at pagbabago ng isipan sa pagsusulong ng naturang panukalang batas na magbibigay ng pansamantalang prangkisa sa ABS-CBN makaraang inguso at igiit ang pagsusulong ng permanenteng prangkisa sa Kapamilya Network na tatagal ng 25 taon.
Kung hindi natigil ang debate nitong Martes, maitutuloy ang ikatlo at pinal na pagbasa sa HB 6732 hanggang aprubahan ito.
(Cayetano, ‘nahiya’ at ‘nilaglag ang balls’)
NANG ‘mahiya’ at ‘ilaglag’ ni Cayetano ang kanyang ‘balls’ sa ABS-CBN ng pamilya Lopez, sa pangunguna ni Eugenio “Gabby” Lopez Jr., ganito ang kanyang idiniin sa kanyang talumpati sa plenaryo: “The House leadership had decided to forgo with the provisional franchise but we will immediately proceed with the hearings for the 25 year franchise.”
Ibang-iba ito sa bagsik ng ‘balls’ ni Cayetano nitong Mayo 13 sa pangunguna sa biglang pagpasa ng mayorya ng mga kongresista sa una at ikalawang pagbasa ng SB 6732 sa loob ng isang araw.
Nitong Lunes hanggang Martes ay pagsasabayin sana ng pangkat nina Cayetano at Majority Floor Leader Martin Romualdez ng Leyte na ipasa ang SB 7632 sa ikatlo at huling pagbasa.
Ngunit, walang nagawa ang liderato ng Kamara nang ipamukha sa kanila ng ilang mambabatas na taliwas sa Konstitusyon ang pansamantalang prangkisa.
Ang nakasaad at ipinag-uutos ng Konstitusyon na siyang pundamental na batas ng bansa ay permanenteng prangkisa ang ibinibigay na kontrata sa mga kumpanya ng telebisyon at radyo, gaano man ito kalaki.
(Maling ‘paglaruan’ ang Saligang-Batas – Enrile)
KAHIT si dating Senate President Juan Ponce Enrile na nagsalita sa pagtalakay ng Senate Committee on Public Services nitong Martes ay idiniin ang naturang probisyon sa Konstitusyon hinggil sa pagbibigay ng prangkisa sa mga kumpanya ng telebisyon at radyo.
Ipinaalala pa ni Enrile sa senador at kongresista na maling “paglaruan” ang Saligang-Batas.
Ayon kay Romualdez, ang hinihinging panukalang batas ng ABS-CBN Broadcasting Corporation upang magkaroon muli ito ng 25-taong prangkisa ay tatalakayin na ng House Committee on Legislative Franchises na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez.
Idiniin ni Romualdez, “The Committee on Legislative Franchises will take the lead in hearing the matters of the [ABS-CBN], as well as the other franchises pending before it. They are ready, able and willing to act with expediency to meet the urgency of the franchise applications.”
(Uunahin ang panukalang batas vs COVID-19)
AYON kay Romualdez, mga panukalang batas na may kinalaman sa kaligtasan ng mamamayan laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) at pag-angat ng ekonomiya habang patuloy pa rin nambibitikma ng mga tao ang nasabing pandemya ang bibigyang pokus ng Kamara.
Sa Mayo 26 tatalakayin ng komite ni Alvarez ang panukalang prangkisa ng ABS=CBN, kabilang ang resolusyon ng tatlong mambabatas na humihiling na imbestigahan ang mga posibleng ‘krimeng’ nagawa ng mga may-ari at pamunuan ng ABS-CBN Broadcasting Corporation sa 25-taong prangkisa nito mula noong Mayo 4, 1995 hanggang Mayo 4, 2020.
Nakaabang lang ang Senate Committee on Public Service na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe sa maipapasang panukalang batas hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN bilang pagkilala sa legal at tamang proseso ng pagbalangkas at pagpasa ng batas hanggang makarating sa Office of the President (OP).
Ipinaalala rin ni Enrile na ang panukalang batas sa prangkisa ay magmumula muna sa mababang kapulungan ng Kongreso hanggang iparating ito sa mataas na kapulungan.
Ngunit, mistulang pinagsabihan niya ang mga senador na “there was no urgency to tackle the ABS-CBN franchise.”
Aniya, ang pinakamahalaga sa panahon ngayon ay makakuha ng impormasyon ang mamamayan hinggil sa pandemyang COVID-19 na maaaring malaman mula sa radyo.
Tinumbok din ng dating pangulo ng Senado na hindi isyu ang komunikasyon o pamamahagi ng impormasyon sa taumbayan kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN, kundi ang
pagkilala at pagsunod sa Saligang Batas at sa mga batas ng bansa.
(‘Pure entertainment, pera, pulitika at kapangyarihan ng ABS-CBN’)
IPINALIWANAG naman ni F. Sionil Jose sa kanyang kolum na “Hindsight” sa isang broadsheet ang napakanipis na papel ng ABS-CBN sa lipunang Filipino sa ganitong pormulasyon: “Yes, ABS-CBN indeed has its uses. But reduced to its very core, it is pure entertainment. History is full of similar even analogous examples. When the ancient Romans were restive, the Caesars gave them parades and circuses. As for freedom, it is the camouflage of the true nature of ABS-CBN just like the sea that hides the iceberg. Freedom is also the sugar coating that attracts the libertarians, the sincere believers in human rights, who have no time to look deeper, beyond the glossy surface.”
Idiniin ng 95-taong-gulang na national artist: “Listen – the real issue with ABS-CBN and its owners is not press freedom. It is MONEY, POLITICS and POWER – how power is acquired, how it is abused and maintained, and most of all, how it obstructs this country’s economic and democratic development. If allowed to continue, will it now return the billions it owes the government?” sa paksang “The Oligarchs and ABS-CBN: Don’t give them your balls”
“The Lopezes are not alone; they are however the most visible tip of the iceberg. But if the Lopez empire can be toppled. Then, it should not be difficult to do the same with the others. The revolution, then, shall have begun,” patuloy ng manunulat.
Sa mga pangyayari sa Kamara, mistulang si Speaker Alan Peter Cayetano ang naunang inilaglag ang balls sa ABS-CBN. NELSON S. BADILLA
