(NI BERNARD TAGUINOD)
MATAPOS ang eleksyon, kokomprontahin na ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Cebu Pacific dahil sa aberyang idinulot ng mga ito sa kanilang mga pasahero dahil sa pagkansela ng kanilang mga flights.
Nabatid na aabot sa 22,0000 pasahero ng nasabing airline company na ang naapektuhan sa kanilang mga kinanselang flights kaya maghahain umano si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa Lunes para atasan ang House committee on transportation na magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Zarate, muli nitong isusulong ang Magna Carta for Air Passengers na lumusot na umano sa plenaryo noong 15th Congress subalit ipinabalik “dahil mayroon sigurong intense lobbying ang mga airlines”.
Kailangan na aniyang isulong ang nasabing panukala na magtitiyak na mapatawan ng kaukulang parusa ang mga airline companies kapag nagdulot ang mga ito ng pwerhuwisyo sa kanilang mga pasahero.
“Sa 18th Congress gusto nating itulak ito dahil pabalik-balik na lamang ang mga problema ng mga airlines,” ani Zarate lalo na’t hindi umano katanggap-tanggap na “reprimand” lang ang ipinataw na parusa ng Civil Aviation Board (CAB) sa Cebupac.
“Kapag na-late ka lang ng ilang minuto may penalty na ang ipinapataw ng mga airline companies pero kapag sila ang nagkulang, tapik lang ang parusa sa kanila,” ayon pa sa mambabatas.
Ito rin ang itinutulak ni BH party-list Rep. Bernadeth Herrera-Dy upang masiguro na pagmultahin ng mula P5,000 hanggang P10,000 ang mga airline companies sa bawat pasahero na maapektuhan kapag nagkansela ang mga ito ng kanilang flights.
“In my mind, a fine ranging from P5,000 to P10,000 per passenger affected is the proportionate penalty that will have deterrent effect against the airline at fault,” anang mambabatas.
394