INAASAHAN na ng isang international security expert na lalong palalakasin at paiigtingin ng China ang pagkilos nito sa South China Sea.
Layon ng magiging pagkilos ng China ang makontrol ang malaking bahagi ng pinagtatalunang katubigan.
Sinabi ni international studies professor Renato de Castro na “It’s simply a matter of time when the Chinese would later escalate the game”. Malinaw aniyang layunin ng China na kontrolin ang mahigit sa 85% ng South China Sea.
Aniya, wala siyang ideya kung paano paiigtingin ng China ang pagkilos nito subalit ang kamakailan lamang na pagde-deploy ng mga barko ng CCG na may ‘gun turrets’ ay maaaring gamiting panakot sa Philippine vessels.
“The CCG previously fired a water cannon on PCG vessels during an Aug. 5 resupply mission to Ayungin in the West Philippine Sea — a part of the South China Sea that the Philippines claims.
The action, together with CCG’s dangerous maneuvers, put the safety of Filipino personnel aboard at risk, ” ayon kay de Castro.
Tinuran pa ni De Castro na sinusubok din ng Tsina kung paano magre-react ang Estados Unidos sa sitwasyon.
Isang US Navy plane kasi ang namataan noong Sept. 8 sa resupply mission.
Sinabi naman ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela na walang anomang koordinasyon ang coast guard sa Washington ukol sa bagay na ito.
Kamakailan ay naging matagumpay ang pinakahuling resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Ito na ang ikatlong resupply mission matapos ang insidente noong Agosto 5 kung saan binomba ng Chinese Coast Guard ang barko ng Pilipinas na magsasagawa ng kaparehong misyon.
Nakumpleto ang panibagong resupply mission noong Agosto 22.
(CHRISTIAN DALE)
335