COA JOKE NI DUTERTE BINATIKOS

coa200

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI isinasantabi ng isang mambabatas sa Kamara na seryosohin ng mga corrupt na pulitiko ang pagkidnap at pagtorture sa mga taga-Commission on Audit (COA) dahil sa panibagong “joke” o biro ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Maliban dito, natatakot si Akbayan party-list Rep. Tom Villarin na tuluyan ng gumuho ang anti-corruption drive ng Duterte administration dahil pinag-iinitan nito ang mga taga-COA.

Karaniwang ang mga pulitiko ang iniimbestigahan ng COA sa maling paggamit ng pondo ng bayan kaya kung mayroong natutuwa sa biro na ito ni Duterte ay ang mga corrupt politicians, ayon pa kay Villarin.

“Ah, p———g COA yan, letse. Yung COA, every time, may mali talaga. Ano ba itong COA na ito? Mag kidnap tayo ng taga-COA, lagay natin dito, torture natin dito. T—–a,” ang panibagong biro ni Duterte.

Noong nakaraang taon, nagbiro si Duterte sa Ilocos Norte na ihuhulog sa hagdan ang taga-COA bilang pagsuporta kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na iniimbestigahan ng komisyon dahil sa umano’y maling paggamit sa tobacco excise tax.

Sinabi ni Villarin na dahil sa mga ganitong biro ni Duterte, malaki ang posibilidad na walang mangyayari sa kaniyang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno at ang talo dito aniya ang mamamayan.

263

Related posts

Leave a Comment