(NI HARVEY PEREZ)
HINDI dapat ipilit ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (Comelec) na gawing basehan ang narco-list para madiskuwalipika ang isang kandidato.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez “neutral” lamang umano ang Comelec kaugnay sa plano ng DILG na ilabas ang hawak nilang narcolist sa susunod na buwan bago ang May 13 mid term elections.
Sinabi ni Jimenez na hindi naman umano sakop ng Comelec ang pagkontra sa nasabing hakbang na ang tanging hangarin lamang nila ay huwag na ipilit sa kanila ng DILG na gawing basehan sa disqualification ng isang kandidato ang pagkakasali nito sa nasabing listahan.
Hindi umano pinipigilan ng Comelec ang DILG na ilabas ang listahan at wala namang magagawa ang poll body kung gugustuhin ito ng DILG.
Tiyak umano na hindi magkakaunawaan ang dalawang ahensya kung ipipilit ng DILG, ang kanilang gusto.
Sinabi pa ni Jimenez na malinaw ang sinusunod nilang panuntunan na hindi maaaring maging batayan ang nasabing listahan sa pagkakadisqualify ng isang kandidato dahil wala pa namang hatol ang korte Laban sa kanila.
Bukod pa rito, iginagalang nila ang prinsipyo ng presumption of innocence ng isang akusado sa pagpapairal ng disqualification rules sa mga nasabing sitwasyon.
112