(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL sa “kapalpakan” ng Commission on Election (Comelec), nawalan ng mahigit 19 million boto ang party-list matapos ilagay sila ng komisyon sa likod ng balota, sa nakalipas na eleksyon.
Ito ang lumalabas sa pag-aaral ng mga mambabatas mula sa party-list group kaya hindi na umano papayagan ng mga ito na muling mailagay sa likod ng balota ang party-list candidates.
Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, sa 47 million ang mga bumoto noong Mayo 13, subalit 27.6 million lamang ang bumoto sa mga party-list kaya umaabot sa 19.33 million ang nawalang boto.
“The party-lists should be on page one, same as the previous ballot designs in past automated elections, not on the back page. The party-list choices should be on the same page with the other national elective posts,” ani Garbin.
Walang ibang sinisisi ang mambabatas dito kundi ang Comelec kaya sa susunod na halalan ay babantayan nila ang paggawa ng balota para matiyak na ilalagay na ito sa harap.
Sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo 22, uunahin umano ng mga mambabatas ang pag-amyenda sa Republic Act (RA) 9369 o Automated Election System Law upang maihabol ito sa 2022 election.
Nagkakaisa ang mga mambabatas na huwag nang ipagkatiwala ng 100% sa vote counting machines (VCM) ang buong eleksyon sa 2022 kaya aamyendahan ang nasabing batas para sa hybrid election.
Nangangahulugan na mano-mano na ang gagawing bilangan sa mga presinto sa susunod na halalan at gagamit lang ng makina sa transmission of votes sa Comelec.
Maging ang mga militanteng mambabatas ay ito ang sistemang itinutulak sa susunod na eleksyon matapos mawalan na rin ang mga ito ng tiwala sa mga makina ng Smartmatic.
208