DAHIL PALPAK; K TO 12 PROGRAM IPINAREREBYU SA KAMARA

k1234

(NI BERNARD TAGUINOD)

DAHIL walang magandang naidulot umano ang K-to-12 program, hindi lamang sa mga magulang kundi sa mga estudyante, pinarerebyu na ito  sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa inihaing resolusyon ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago sa Kamara nitong Huwebes, sinabi nito na pinag-eksperimentuhan, pinagkakitaan, pinahirapan  at pinaasa lamang umano ang mga kabataan kaya dapat aniya itong rebyuhin ng Kongreso at buwagin na kung kinakailangan.

Inihain ng mambabatas ang resolusyon matapos aminin umano ni Commission on Higher Education (CHED) chair Prospero De Vera III na mayroon umanong mga depekto ang nasabing programa.

Apat na taon nang iniimplementa ang nasabing programa matapos itong simulan noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III subalit sa halip na makatulong ito sa mga kabataan at magulang ay naging daan pa ito ng kanilang dagdag na hirap.

Hindi rin umano naging sagot ang nasabing programa upang gumanda ang kalidad ng edukasyon sa bansa kaya nararapat lamang na rebyuhin na ito at tapusin na ang dagdag na pahirap sa mga kabataan at mga magulang.

“Kung mayroon mang nagawa ang K to 12, ito ay pag-eksperimentuhan, pagkakitaan, pahirapan at paasahin ang mga kabataan. Dagdag na taon, dagdag na bayarin at dagdag na pasakit lamang, at wala ang mga pangako ng maayos na edukasyon at trabaho,” ani Elago.

Wala rin umanong katotohanan na agad na magkakaroon ng trabaho ang mga graduate sa Senior High School dahil walang tumatanggap na kumpanya sa mga ito at kung mayroon man ay binabarat umano ang kanilang sahod.

Maliban dito, pawang mga college graduates umano ang prayoridad ng mga kumpanya kaya talong-talo umano ang mga Senior High School graduates pagdating sa empleyo.

 

157

Related posts

Leave a Comment