Defensor nanawagan ng tulong CEBU CITY, QC NAGHAHABULAN SA DAMI NG COVID-19 CASES

MISTULANG naghahabulan na sa dami ng kaso ng COVID-19 ang siyudad ng Cebu at Quezon City na ikinaalarma ng isang mambabatas.

“Sobra.” Ganito inilarawan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kung gaano kalala ang sitwasyon ng COVID-19 case sa Cebu dahil umaapaw umano ang isang pagamutan dito sa mga pasyente.

Sa panayam kay Defensor, sinabi nito na tinutukan nila ang Cebu upang malaman kung paaano makatulong na makontrol ang kaso dahil hindi umano biro ang pag-apaw ng mga pasyente sa Chong Hua Hospital, Cebu City.

Base sa mga larawan na kuha umano ng kaibigan ni Defensor sa nasabing pagamutan, siksikan ang mga pasyente kahit sa pasilyo at maging sa labas ng emergency room.

Indikasyon ito na dumarami ang kaso ng COVID-19 case sa Cebu City kaya umapela ang mambabatas sa kinauukulan na bigyan ng prayoridad ang nasabing lungsod.

“Ayaw nating kumalat pa ang COVID-19 case,” ani Defensor kaya dapat pagtulungan din ang problema ng Cebu City tulad ng pagtutulungang ginagawa para makontrol ang kaso sa ibang lugar gaya ng Metro Manila.

Dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Cebu, ibinalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod.

Noong Hunyo 19, nagtala ang Cebu province ng 261 COVID-19 case na mas mataas sa 228 kaso sa Metro Manila.

Nangunguna rin ang Cebu City sa mga lugar sa bansa na may pinakamataas na COVID-19 case dahil umaabot na umano ito sa 3,317 kung saan pumapangalawa ang Quezon City na may 2,848 kaso. BERNARD TAGUINOD

145

Related posts

Leave a Comment