DEPED, CHED PINAAAYOS SA DE KALIDAD NA EDUKASYON

(NI NOEL ABUEL)

HINDI na nasorpresa ang ilang senador sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) na isinagawa ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD) kung saan kulelat ang Pilipinas pagdating sa Reading Comprehension kung ikukumpara sa ibang bansa.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, hindi nagkakalayo ang mababang resulta ng naturang pag-aaral sa mababang puntos na nakuha ng mga estudyante, lalo na ang mga nasa Grade 6, sa National Achievement Test (NAT) na isinasagawa ng Department of Education (DepEd).

Dahil sa problemang ito, naniniwala si Gatchalian na kailangan ang agarang aksyon upang itaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa at idiniin ang suporta sa DepEd na ibaling ang programa nito.

Aniya, matutulungan din ng naturang programa ang problema sa kakulangan ng kagamitan sa pagtuturo at mahinang kapasidad ng ilang mga guro, bagay na magpapalakas sa curriculum ng Basic Education.

Ayon pa kay Gatchalian, mahalaga ang ugnayan sa pagitan ng DepEd at ng Commission on Higher Education (CHED) kung saan maliban sa pagdisenyo ng curriculum, tungkulin din ng huli na pamunuan ang pagsasanay ng mga guro upang maging handa sila sa programang K to 12.

“Kung nais nating umangat ang katayuan natin sa PISA, kailangang pagtuunan natin ng pansin ang tamang pagpapatupad ng programang K to 12. Ngunit hindi natin ito gagawin dahil lang gusto nating tumaas ang marka natin sa PISA, ang pinakamahalagang usapin dito ay ang kakayahan at kahandaan ng ating mag mag-aaral upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan,” ayon kay Gatchalian.

Sa naturang assessment ng PISA, nakakuha ang Pilipinas ng markang 340, samantalang pumangalawa sa pinakamababa ang Pilipinas sa Math sa markang 357 at pumangalawa rin sa pinakamababa sa Science sa 353 marka.

Isinasagawa kada tatlong taon ang naturang pag-aaral upang suriin ang kakayahan ng mga mag-aaral, lalo na ang mga nasa edad na 15 taon, sa Pagbasa, Matematika at Agham. Ang PISA 2018 ang unang pagkakataong nakilahok ang Pilipinas sa pag-aaral.

Ayon sa resulta ng NAT noong 2018, ang national average mean percentage score o MPS ng mga nasa Grade 6 ay bumaba sa tatlong magkakasunod na taon at ito ang naitalang pinakamahinang performance sa kasaysayan ng ‘standardized examination’ ng DepEd.

 

551

Related posts

Leave a Comment