HANDA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maunang magpaturok ng COVID-19 vaccine sakaling dumating na ito sa bansa.
Ito ang tugon ng Malacanang sa pahayag ni Vice President Leni Robredo na dapat isa ang presidente sa unang maturukan ng bakuna.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi mag-aatubili ang pangulo na gawin ito para mawala ang takot at alinlangan sa bakuna ng taumbayan.
“Well, iyan po ay sangguni na naman niya pero Im sure ang presidente naman po paiba-iba ang kanyang prayoridad sa kanyang Talk to the People. Hayaan po nating magdesisyon ang ating presidente,” pahayag ni Sec. Roque patungkol sa mungkahi ni Robredo pero nilinaw na handa ang pangulo na pangunahan ang pagpapabakuna.
Nabatid na may tatlong brand ng bakuna ang inirekomenda ng isang health expert na maaaring pagpiliang iturok para kay Pangulong Duterte.
DEDMA SA BATIKOS
SA SINOVAC
AYAW namang patulan at dedma lang si Pangulong Duterte sa patuloy na mga puna at banat ng mga kritiko laban sa pasya ng gobyerno na kunin ang Sinovac bilang isa sa mga bakunang gagamitin sa mga Pilipino kontra COVID-19.
Ayon kay Sec. Roque, si Pangulong Duterte pa rin ang masusunod kung ano ang tingin niya ay ligtas para sa kanyang mga kababayan.
Giit ni Sec. Roque, paninindiganan ng Chief Executive ang kanyang desisyon kasabay ng pagtiyak na magsasalba ng buhay sa halip na maglagay sa peligro ang bakunang kukunin ng pamahalaan para sa mga Pilipino.
Hinggil naman sa pinagtatalunang usapin hinggil sa umanoy napakataas na halaga ng Sinovac vaccine ay inanunsiyo ni Roque ang presyo nito.
Tinatayang nasa P600 na aniya ang kada turok nito na malayong- malayo sa unang lumutang na ulat na P3,000. (CHRISTIAN DALE)
