(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGPAHAYAG ng pagkaalarma ang isang mambabatas sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa bansa kaya ipinanukala na muling dumaan sa driving lessons ang lahat ng mga driver kada limang taon.
Ito ang nakasaad sa House Bill 3196 na iniakda ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor upang magkaroon ng tuluy-tuloy na edukasyon ang lahat ng mga driver, pribado man o pampubliko ang kanilang minamanehong sasakyan.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa report aniya ng World Health Organization (WHO), patuloy ang pataas ng bilang ng mga namamatay sa Pilipinas dahil sa mga aksidente.
“With an estimated 10,012 deaths in 2015, a 25.75% increase in the numbers of deaths or 12,690 was recorded in 2016,” ani Defensor kaya lubha umanong nakaaalarma na ang sitwasyon.
Wala pang datos ukol kung ilan na ang biktima ng road accident na kinasasangkutan ng mga pribado at pampublikong sasakyan mula 2017 hanggang sa kasalukuyan subalit sa mga nakaraang mga araw ay kaliwa’t kanan ang aksidente na ikinamatay ng marami.
Lumalala rin umano ang traffic violations lalo na sa Metro Manila dahil base sa report ng Metro Manila Development Authority (MMDA), umaabot sa 250,219 ang nahuling lumabag sa batas trapiko noong 2016.
Mas mataas aniya ito ng 19.95% sa nahuling 208, 219 noong 2015 na isang indikasyon na parami nang parami ang lumalabag sa batas trapiko.
“The Land Transportation Office recorded 710,759 traffic violations nationwide in 2016, representing an increase of 22.98% from the total of 577,958 recorded in 2015,” paliwanag pa ng mambabatas sa kanyang panukala.
Dahil dito, kailangan aniya na lahat ng mga may lisensya sa pagmamaneho ay magkaroon ng re-education kada taon dahil sa ngayon ay tanging ang mga bagong aplikante ng driver’s license lang ang dumaraan sa edukasyon hinggil sa batas trapiko.
187