(NI KIKO CUETO)
POSIBLENG lumaya na sa loob ng dalawang buwan ang convicted rapist at murderer na si dating Calauan mayor Antonio Sanchez, ayon kay Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon.
“Maaaring makakasama siya (Sanchez) sa more or less 11,000 na mga person deprived of liberty (PDL) na makalalabas in the next 2 months,” sabi ni Faeldon sa panayam sa DZMM.
Ipinaliwanag naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mapalalabas si Sanchez dahil na rin sa isang bagong batas na nagpapabilis sa jail time ng isang preso kung mabait ito habang nasa loob ng piitan, bagay na sinabi ng Korte Suprema na dapat ay retroactive ito.
Sinabi ni Guevarra na sa ngayon ang BuCor ay nagrerecompute ng good conduct time allowances ni Sanchez, na pumasok sa piitan noong 1995 para sa pitong bilang ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakabilanggo, kaugnay sa pagpatay kina University of the Philippines Los Baños students Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong Hunyo 2003.
Sinasabing ginahasa rin si Sarmenta.
Sinabi ni Guevarra na si Sanchez ay “very likely for release” 25 taon matapos siyang arestuhin.
“We don’t know how soon ‘yung kay Mayor Sanchez mapo-process pero ginagawa na ‘yan sa ngayon,” sinabi nito.
Ang sentensya ay pitong bilang ng reclusion perpetua, pero posibleng makinabang si Sanchez sa 3-fold rule sa ilalim ng Revised Penal Code, na naglilimita sa sentansiya na hindi lalagpas ng 40 years.
Papayagan din sa Revised Penal Code ang good conduct time allowances, na babawasan ang bilang ng taon sa loob ng kulungan.
Nitong Hunyo, sinabi ni Associate Justice Diosdado Peralta, na base sa desisyon ng Supreme Court ay nagboto sila na payagan ang retroactive application ng batas sa convicted prisoners.
146