(NI JULIE DUIGAN)
KALABOSO sa Manila Police District (MPD) si dating Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay Jr. matapos arestuhin sa kanyang tahanan sa Makati City, Huwebes ng hapon.
Nabatid sa ulat ng MPD-Warrant and Subpoena Section, nagtungo ang kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa kanilang tanggapan para humingi ng police assistance sa pagsisilbi ng warrant of arrest na inilabas ng Manila court laban kay Yasay.
Bandang alas-3:00 ng hapon , nang arestuhin si Yasay sa Unit 4905 Milano Residences, Century City Road, Barangay Poblacion, Makati City, ng mga operatiba ng MPD-WSS sa pangunguna ni P/Liutenant Glenzor Vallejo.
Bitbit ang arrest warrant ay may petsang Marso 8, 2019 na inisyu ni Judge Danilo D. Leyva, ng Manila Regional Trial Court Branch 10, kaugnay sa mga kasong paglabag sa Republic Act 8791 (General Banking Law) at .RA 7653 (the New Central Bank Act.
Sa rekord, sa pagitan ng taong 2001 hanggang 2009 , si Yasay at lima pang associates bilang mga opisyal noon ng Banco Filipino Savings and Mortgages Bank ay nagsabwatan sa pagpapautang ng P350,000.000 sa Tierrasud Incorporated na may bahaging ginarantiyahan ng real properties na pag-aari ng Tropical Land Corporation.
Nang nasa kustodiya ng MPD si Yasay ay lumutang ang post niya sa Facebook na nagsasabing siya ay nakapiit sa MPD.
Taliwas sa report ng MPD, sa post ni Yasay ay nilinaw niya na hindi siya dapat makasuhan dahil siya ay napasok lamang sa Banco Filipino noong taong 2009 gayong ang sinasabing paglabag ng mga opisyal ng bangko ay naganap sa loob ng 2003 hanggang 2006.
Inihayag niya din na hindi siya maglalagak ng piyansa dahil mas gusto niyang maiharap siya sa hukom para magkaroon ng pagkakataong makuwestiyon niya ang pag-abuso sa proseso ng mga prosecutor.
Humingi din siya ng panalangin sa mga kaibigan sa labang ito.
“To all my friends, allow me to inform you that I am now being arrested from my house by police officers of Manila on the basis of a warrant of arrest issued by the RTC of Manila Branch 10 for criminal charges that were alleged committed by officials of Banco Filipino from 2003 to 2006, clearly appearing on the face of the information filed by the prosecutor, when in truth and in fact I joined the Bank only in 2009. …,”pahayag ni Yasay sa FB post.
139