(NI DANG SAMSON-GARCIA)
BAGAMA’T late ng limang oras, sumipot din sa pagdinig ng Senado hinggil sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ang sinibak na si Bureau of Correctiosn (BuCor) Director Nicanor Faledon.
Kasabay nito, inamin ni Faeldon na masaya siya sa kanyang sitwasyon ngayon lalo pa’t wala na siyang pasan sa kanyang balikat.
“I’ve never been happier than now. In a way na pag wala nang yoke sa balikat mo, you can soundly sleep,” saad ni Faeldon.
Ipinaliwanag ng legal counsel ni Faeldon na si Atty. Jose Dino na sa kanilang pagkakaalam ay alas-3 ng hapon ang pagdinig.
Katunayan, ipinaalam pa anya ng kanilang kampo sa Senado na sa kanilang original na schedule, Huwebes ng umaga ay dadalo pa ang dating Marine Captain sa budget hearing sa Kamara at saka magtutungo sa Senado pagdating ng hapon.
Gayunman, nagulat anya sila na biglang nabago ang oras ng pagdinig kasabay ng pagtanggi na nagpadala sila ng mensahe sa Senado na hindi ito makadadalo.
Sa pagsisimula ng pagdinig, kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Richard Gordon na nagpadala ng text message ang abogado ni Faeldon at nakikiusap kung maaari hindi na dadalo ang kanyang kliyente sa pagdinig.
Sa kabila naman na may subpoena na ipinalabas laban kay Faeldon, sinabi ni Gordon na nagdesisyon ang komite na huwag munang patawan ng parusa ang sinibak na opisyal.
“We will not put him under any sanction,” saad ni Gordon.
Gayunman, kung may mga impormasyon anya na mangangailangan ng paglilinaw ni Faeldon ay oobligahin nila itong muling dumalo.
185