FOREIGN NATIONS NAKIISA SA PAGKONDENA SA LAPID SLAY

NAKIBAHAGI rin sa pagkondena ang iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng kanilang embahada sa Pilipinas sa pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.

Kasabay nito, hinimok ng mga Embahada ng Canada at Netherlands, na kapwa tagapangulo ng Media Freedom Coalition in the Philippines, ang gobyerno ng Pilipinas na tiyaking makakamit ang katarungan at ligtas ang mga mamamahayag.

Sinang-ayunan naman ito ng Embassy ng France at Micronesia.

Nananawagan din ng hustisya para kay Mabasa ang Foreign Correspondents Association of the Philippines.

Samantala, nagpulong na ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) kaugnay sa pagpatay sa broadcaster.

Ayon kay Pol. Col. Restituto Archangel, Commander, SITG SPD Deputy District Director for Operations, hinati na ang mga responsibilidad sa bawat miyembro ng task force para sa mas epektibong pag-iimbestiga.

Hawak na rin umano nila ang ilang CCTV footage na pwedeng gamitin sa kanilang imbestigasyon.

Umaasa naman ang pamilya Mabasa na matutuldukan na ang karahasan laban sa mga mamamahayag.

Tayo’y nalulungkot sapagkat ang inaasahan sana natin ay matigil na yung karahasan laban sa mga mamamahayag, ito yung adbokasiya na isinusulong natin labinlimang taon na ang nakaraan, kasama na ang mga paghahain ng mga libelo sa mga mamamahayag pero alam mo hindi natin malaman kung kailan ba matitigil ang mga ganito…” bahagi ng pahayag ni Roy Mabasa, kapatid ni Ka Percy.

Samantala, kinalampag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na bilisan ang pagresolba sa mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.

Ayon kay Jonathan de Santos, chairperson ng NUJP, bukod sa pagresolba sa kaso, dapat ding bilisan ang prosekusyon sa mga responsable.

Nabatid na mula 1986 hanggang 2021, may 68 indibidwal na ang naparusahan dahil sa pagpatay sa mga journalist.

Pero paglilinaw ni De Santos, karamihan dito ay mga gunman lamang habang hindi talaga naparurusahan ang mga mastermind.

Kasabay nito, nanawagan si De Santos sa mga mamamahayag na bantayan ang mga kaso ng pagpatay sa mga kapwa nila journalist para matiyak na makakamit ang hustisya.

Babala sa mga Journalist

Naniniwala naman ang isang mambabatas sa Kamara na babala sa mga nasa media ang pamamaslang kay Percy Lapid.

“Perpetrators clearly want to send a chilling effect with Lapid’s death.”

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa pagpatay kay Lapid na ikalawang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng bagong administrasyon.

Noong September 18, 2022 ay pinatay sa saksak ang radio broadcaster na si Rey Blanco sa Negros Oriental. Siya ang unang mamamahayag na napatay sa ilalim ng Marcos administration.

Nabatid na ika-197 mamamahayag si Lapid na pinatay mula noong 1986 subalit karamihan sa mga naunang biktima ay hindi nabigyan ng katarungan bagay na ikinababahala ni Brosas.

“We demand an urgent and comprehensive action by the Philippine National Police (PNP) on Lapid’s murder to put the perpetrators behind bars,” ani Brosas.

Nagbabala rin ang mambabatas na kapag hindi naresolba ang pagpatay kay Lapid ay lalong lalakas ang loob ng mga salarin na patahimikin ang mga mamamahayag para itago sa publiko ang katotohanang nangyayari sa lipunan.

“The killing of Lapid clearly demonstrates the continuing intolerance to dissent and criticism under the current administration, and the ever present threat to the lives and safety of Filipino journalists who are voicing out critical views,” dagdag pa ng mambabatas.

Sanhi nito, umapela ang mambabatas sa sambayanang Pilipino na magkaisa sa panawagang itigil ang pag-atake sa mga journalist lalo na ang mga kritiko upang maproteksyunan ang katotohanan na pilit ikinukubli ng mga nasa kapangyarihan. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

9

Related posts

Leave a Comment