(NI NOEL ABUEL/PHOTO BY DANNY BACOLOD)
IBINULGAR ni Atty. Glenn Chong na aabot sa P150 milyon ang pinakawalan para paslangin ang kanyang security aide at patahimikin sa usapin ng Smartmatic issue.
Tinukoy ni Chong, humarap sa pagdinig sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ang ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nasa likod ng pagpatay sa kanyang security aide na si Richard Santillan noong Disyembre ng nakaraang taon.
Partikular na kinilala ni Chong si PC/Supt. Edward Carranza, hepe ng PNP Region IV-A na sinasabing responsable sa panggigipit umano kay Chong para umatras sa pagbubulgar nito sa sinasabing dayaan sa 2016 elections ng Smartmatic.
“I hold Carranza peronally liable for this murder. The motive is Smartmatic. Ang presyo P150M,” sa ambush interview kay Chong.
Tinukoy pa ni Chong na itinatago umano ng PNP ang mga ebidensya tulad ng dashcam na nakakabit sa Toyota Fortuner ni Santillan noong mapatay ito sa Cainta, Rizal.
Sa pagdinig, sinabi ni Chong na ang motibo sa krime ay may kinalaman sa Smartmatic na nagsimula noong maghain ito ng motion to file candicacy kung saan pinatay si Santillan para pitikin ang una.
Samantala, sinabi naman ni Carranza, hindi nito kilala si Santillan bago pa man ito mapatay kung kaya’t walang basehan ang akusasyon ni Chong na may rubout at hindi shootout ang nangyari.
Ayon pa kay Carranza, handa nitong patunayan na hindi target ng operasyon si Santillan at nagkataon lamang na ito ang nakasakay sa Fortuner.
“One thing for sure, itong grupo ni Santillan na Highway Boys na sangkot sa pagpatay sa ilang pulis. Itong grupong ito ang sangkot,”sabi pa ni Carranza.
Igniit pa nito na walang pulis ang sangkot sa Smartmatic kung kaya’t walang basehan ang akusasyon ni Chong.
Samantala, inusisa rin ni Senador Panfilo Lacson, chair ng komite kay Chong ang koneksyon ng Smartmatic sa PNP.
“Nasa kanila po ‘yan sir. But will show the evidence,” sabi ni Chong subalit hindi ito pinayagan ni Lacson.
SECURITY AIDE NEGATIBO SA POWDER BURN
IMINUNGKAHI ni Senador Panfilo Lacson na ihiwalay ang medico legal ng Philippine National Police (PNP) at Public Attorneys Office at ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa pagdinig ng Senate Commitee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ng senador na ito ang nakikita nitong solusyon sa magkakaibang resulta na isinasagawa ng medico legal ng PNP, NBI gayundin ng Public Attorneys Office (PAO).
“Baka naman pwede ‘yun,” sabi ni Lacson.
Ngunit sinabi ng PNP na mahirap kung iisa na lamang ang gagamiting medico legal o Scene of the Crime Operatives ( Soco) sa bansa kung saan maraming dapat na ikonsolidera.
Ang rekomendasyon ni Lacson ay kasunod ng pag-amin ng PNP na walang powder burn sa isinagawang parrafin test sa kamay ng napatay na security aide ni Atty. Glenn Chong sa nangyaring shootout sa pagitan nito at ng mga pulis noong buwan ng Disyembre.
Nangyari ang nasabing shootout noong ala-1:00 ng madaling araw Disyembre 10 sa Road 34, Planters Westbank, Bgy. San Andres, Cainta, Rizal kung saan napatay si Richard Santillan at kasama nitong babae.
Inamin ng PNP na walang nakitang powder burn sa kamay ni Santillan na nagpapakita na magpaputok ito ng baril.
Subalit, nilinaw ng PNP na hindi conclusive ang paraffin test kung saan marami umanong pwedeng mangyari tulad ng malakas na hangin kung kaya’t walang naiwang powder burn sa kamay o damit.
Kaugnay nitp, inatasan ni Lacson ang PNP na isumite ang mga ebidensya at iba pang dokumento sa NBI na magsasagawa ng parallel investigation sa nasabing kaso.
247