(BERNARD TAGUINOD)
HINDI mapipigilan ang pag-alis ng Pinoy Nurses sa Pilipinas kahit tumaas ang bilang ng mga pumapasa sa board exam hangga’t mababa ang sinasahod ng mga ito partikular ang mga nasa pribadong sektor.
Ayon kay Northern Samar Rep. Paul Daza, isa sa mga dahilan kung bakit nanganganib magkaroon ng shortage sa nurse sa Pilipinas ay dahil nag-aalisan ang mga Registered Nurse (RN) upang magtrabaho sa ibang bansa kung saan mas malaki ang suweldo.
“It’s time for comprehensive solutions, including reforms in the licensure system, if we want to solve our shortage of nurses. Of course, it’s an economic issue—salaries abroad are definitely higher—but our nurses will stay for the right reasons,” ayon sa mambabatas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos kumilos ang Commission on Higher Education (CHED) para solusyunan ang kakapusan ng supply ng nurse sa hinaharap sa pamamagitan ng pagpapaiksi ng taon sa pag-aaral ng mga ito.
Rerebyuhin din umano ang polisiya sa nursing board exam at pararamihin ang eskwelahan na mag-aalok ng nursing course. Gayunman, hindi umano napag-uusapan ang maayos na sahod ng mga ito.
“At the heart of the problem is really the search for a better life for their families. However, the solutions should be all-encompassing. For one, nurses will prefer staying here in the Philippines with the right motivations, outside of higher salaries,” ayon sa mambabatas.
Taon-taon aniya ay nakapagpo-produce ang Pilipinas ng 80,000 nurse subalit 19,000 sa mga ito ay umaalis para magtrabaho sa ibang bansa tulad ng Estados Unidos kung saan daang libong piso ang katumbas ng sinasahod ng mga ito kada buwan.
Malayong-malayo aniya ito sa P35,000 na sinasahod ng mga nurse sa government hospitals habang mas mabababa naman ang ibinibigay sa mga nagtatrabaho sa pribadong pagamutan.
Dahil dito, kailangang isama aniya ang usapin ng suweldo sa solusyong inilalatag ng gobyerno para maiwasan ang shortage ng nurses.
378