Bigas malayo pang maging P20/K PBBM BUTATA KAY IMEE

MISTULANG nabutata si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng sariling kapatid na si Sen. Imee kaugnay sa pagbibida ng una kamakailan na malapit nang mangyari ang pangako niyang bababa sa P20 ang presyo kada kilo ng bigas sa bansa.

Sa pagdalo sa Buntis Congress sa San Pablo City, Laguna noong Biyernes ni Sen. Marcos, sinabi nito na matagal pang panahon bago mangyari ang pangako ng kapatid.

Marami aniyang factor ang magiging hadlang sa P20 na presyo ng kada kilo ng bigas.

Kasama na rito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kakulangan ng mga abono at maging ang mataas na presyo ng tubig na makaaapekto sa mga magsasaka.

“Alam ninyo, ako ‘yung nerbyos na nerbyos sa sinasabi ng aking kapatid na bente pesos na presyo kada kilo ng bigas, medyo tense ako nang bonggang-bongga, pero ang totoo matagal-tagal pa bago natin maabot ‘yan dahil tumataas ang mga input,” ayon kay Sen. Marcos.

Pero ayon dito, may posibilidad ito kung tututukan ng bansa ang agrikultura at mag-invest sa mga irigasyon at mekanisasyon at bigyan ng ayuda ang mga magsasaka.

Ayon pa sa senador, hindi siya makapapangako na mangyayari ‘yun dahil napakahirap aniyang gawin matapos malimutan ng pamahalaan ang sektor ng mga magsasaka nang napakahabang panahon. (NILOU DEL CARMEN)

190

Related posts

Leave a Comment