(NI JEDI PIA REYES)
LUMOBO pa ng mahigit 400 porsyento ang bilang ng mga preso sa bansa na naging dahilan para magsiksikan na nang husto sa mga piitan.
Batay sa ulat ng Commisison on Audit (COA), mahigit sa 439 porsyento ang itinaas ng populasyon sa mga kulungan o mahigit sa 111,046 na bilanggo noong 2018 sa harap ng pinalakas na kampanya ng gobyerno sa ilegal na droga at iba pang krimen.
Batay sa annual audit report ng COA sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nasa 25, 268 na preso lamang ang ideal capacity ng mga piitan sa bansa subalit pumalo na sa 136,314 noong Disyembre 31 ng nakaraang taon ang populasyon.
Ayon sa mga state auditor, nilalabag ng ganitong kondisyon ang BJMP Manual on Habitat, Water, Sanitation, and Kitchen in Jails at ang United Nations Minimum Standard Rules for the Treatment of Prisoners.
Alinsunod sa regulasyong itinakda ng United Nations, dapat ay maayos ang kondisyon ng mga piitan, nakatutulog nang maayos ang mga preso at may sapat na bentilasyon. Isinasaad naman ng manwal ng BJMP na 10 bilanggo kada selda lamang ang dapat na nakakulong.
Ibinabala ng COA na ang siksikan sa piitan ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga preso at nagtutulak sa kanila para sumanib sa mga gang upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
“To sustain survival, inmates hold on to gangs or ‘pangkat’ where they find protection, network of social support and most important, access to material benefits. These situations are prevalent in highly congested facilities,” ayon sa COA.
Ang mga piitan sa Region 9 ang pinakasiksikan na mayroong congestion rate na 645 percent o sobra na sa 4,943 kumpara sa kapasidad lang nito na 766.
309