(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGTAPOS ngayong Biyernes, Hunyo 28, ang trabaho ng mga graduating congressmen sa pangunguna ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria na tumayong House Speaker sa huling taon ng 17th Congress.
“Last working day today (ng 17th Congress),” ani Ifugao Rep. Teddy Baguilat na kabilang sa mga 67 congressmen na graduating solons at hindi na pinayagan ng batas na muling kumandidato.
Si Arroyo ay unang naging miyembro ng Kamara pagkatapos ng kanyang termino bilang Pangulo noong 2010 at muling nahalal noong 2013 at 2016 at noong Hulyo 2018 ay naging House Speaker ito matapos mapatalsik si dating House speaker Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte.
Sa kabuuan ay umaabot sa 67 congressmen ang grumaduweyt, maliban sa mga natalo at hindi pa tapos ang termino, subalit tumakbo sa local election tulad nina Quezon City Rep. Bingbong Crisologo, Isabela Rep. Rodito Albano at marami pang iba.
Sa Lunes, Hulyo 1, ay magsisimula naman ang trabaho ng mga mambabatas at nahalal at muling nahalal noong nakaraang eleksyon na umaabot sa 304 ang bilang kasama na ang 61 kinatawan ng iba’t ibang party-list organizations.
Kabilang sa mga ito ang may 135 bagitong mambabatas o ngayon lamang magiging miyembro ng Legislative branch of government subalit karamihan sa mga ito ay mga dating local officials sa kanila-kanilang probinsya.
Sa ngayon ay sumailalim sa training at seminar ang mga bagitong mambabatas sa Kamara at bagama’t sa Lunes na opisyal na magsisimula sa kanilang trabaho ay sa Hulyo 22 pa ang aktuwal na pagganap sa kanilang tungkulin dahil sa nasabing petsa pa lamang magsisimula ang 18th Congress na bubuksan ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng State of the Nation Address (SONA).
152