(NI BERNARD TAGUINOD)
MALABO nang makamit ng mga Filipino ang hustisya sa binanggang fishing boats ng mga Filipino sa West Philippine Sea ng isang Chinese vessel dahil sa agarang pag-whitewash ng China.
Ganito inilarawan ng militanteng grupo sa Kamara ang hangad ng mga Filipino na hustisya sa binangga at pinalubog na F/B Gim-ver sa Recto Bank bago iniwan sa laot ang 22 Filipino crew ng nasabing fishing boat.
“China was fast in investigating, concluding and absolving its citizens, in short, a whitewash,” ani Bayan Muna chair Neri Colmanares kaya malabo aniyang magkaroon ng hustiya kung iaasa lamang ito sa Chinese government.
Dahil dito, kailangang idulog na aniya sa United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang kasong at panagutin, hindi lamang ang kapitan ng barkong bumangga sa mga FIlipino kundi ang China na mismo.
Maliban sa pagpapanagot sa China, kailangang bawiin ng gobyernong Duterte ang dignidad ng mga Filipino na harap-harapan nang inaapakan ng nasabing bansa dahil sa pagtatangkang isisi pa sa mga kababayan ang insidente.
“China must be held to account for this criminal act, not only to assure that there is no repeat of the attack, but also to salvage a little of our dignity from our humiliating kowtowing relationship with China,” ayon naman kay Rep. Carlos Zarate.
Panahon na rin aniya para mag-isip si Duterte kung sino ang totoong kaaway ng Pilipinas sa West Philippine Sea at kung talagang kaibigan ang turing ng China sa kanya.
Lalo ring lumakas ang paniniwala ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na Chinese militia ang bumangga sa mga Filipino at hindi mga ordinaryong mangingisda dahil sa agarang pagtatakip na ginawa ng nasabing bansa.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa alibi ng China na kaya iniwan sa laot ang mga Filipino dahil sa takot ng kapitan ng barkong bumangga na kuyugin sila ng ibang pang fishing boat.
201