(BERNARD TAGUINOD)
GANITO inilarawan ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez kung matutuloy ang pagpapa-impeach ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay Vice President Sara Duterte na ibinoto aniya ng mahigit tatlumpu’t dalawang milyong Pilipino.
Ayon sa mambabatas, nakababahala ang magiging epekto ng pagpapa-impeach kay Duterte, hindi lamang sa political landscape sa Pilipinas kundi maging sa demokrasya sa bansa lalo na’t hindi aniya ito para sa interes ng sambayanan kundi para sa pulitika lamang.
Ipinaliwanag ng dating House speaker at kaalyado ng mga Duterte na ang bise presidente ang itinuturing na matinding kalaban ng mga politikong may ambisyon sa 2028 kaya ngayon pa lamang ay sinisiraan at inaatake na ito.
Gayunman, naniniwala si Alvarez na kayang ipa-impeach ng Kamara si Duterte dahil 105 lang ang kailangang boto.
“Thus, an impeachment, within this context, is political suicide for the administration and chaotic for the nation. It runs the risk of being viewed by certain sectors, including the 32 million voters of the Vice President, as triggering the Constitutional obligation of the military – similar to what happened in the 1986 Edsa Revolution – when the armed forces intervened in order to protect the people and the state.
This is a dangerous path to tread, and one that would destabilize the nation further,” babala ng kongresista.
Ipinoporma Na
Kaugnay nito, pinag-aaralan na ng isang grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay VP Duterte.
Sa kondisyong huwag pangalanan, sinabi ng isang mapagkakatiwalaang impormante sa Kamara na binubuo na ang impeachment complaint kung saan kabilang sa dahilan ay betrayal of public trust at graft and corruption.
“Pinag-aaralan na,” ayon sa impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyon, kung saan naniniwala umano ang nasabing grupo na may sapat na bilang ng mga kongresista ang susuporta sa reklamo.
Noong Lunes ay maugong na may magsasampa ng impeachment complaint laban kay Duterte at isa sa mga pinagsususpetsahan ay ang Makabayan bloc na pinabulaanan naman ng grupo.
Kasunod ito ng unang pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro na impeachable offense ang P125 million confidential funds ni Duterte noong 2022 na ginastos sa loob lamang ng 11 araw. Sa nasabing halaga, P73 million ang pinasosoli ng Commission on Audit (COA) dahil ilegal umano itong ginamit sa ibang bagay na walang kinalaman sa surveillance.
Tinangka ng mga kongresista na pagpaliwanagin dito si Duterte subalit tumanggi itong sumagot na ayon kay Castro ay betrayal of public trust dahil bulag ang publiko kung papaano ginastos ng bise presidente ang kanilang pera.
Natuklasan din ng House committee on appropriations sa budget hearing ng OVP na marami sa pondo ni Duterte noong 2023 ang ginastos na walang resibo, na ayon naman kay Batangas Rep. Jinky Luistro ay ‘malversation of public funds”.
Base sa Saligang Batas, 1/3 lamang sa 316 miyembro ng Kamara ngayong 19th Congress o katumbas ng 105 votes ang kailangan para maaprubahan ang impeachment case at maiakyat ito sa Impeachment Court o Senado para sa paglilitis.
125