(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI isinaisantabi ng oposisyon sa Kamara ang posibilidad na mahaharap sa impeachment case ang mga opisyales ng Commission on Elections (Comelec) kapag napatunayan sa imbestigasyon ng Kongreso na nabahiran ng katiwalian ang resulta ng katatapos na halalan.
“I won’t be surprise,” pahayag ni House minority leader Danilo Suarez nang tanungin kung may posibilidad na masampahan ng impeachment complaint ang mga opisyales ng Comelec kapag napatunayan sa imbestigasyon na hindi naging malinis ang katatapos na halalan.
Bukod sa mga militanteng grupo, nakiisa na rin ang minority bloc ni Suarez sa panawagan na imbestigahan ang katatapos na halalan lalo na ang nangyari sa loob ng 7 oras na nagkaroon ng “black out” sa tranmission ng boto.
Unang nanawagan at naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara para mag-imbestiga sa katatapos na halalan dahil sa malawakang vote-shaving o binawasan ang boto ng mga ito.
Tinataya ng Makabayan bloc na kinabibilangan ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT Teachers at Kabataan party-list na umaabot sa 1.6 million ang botong nawala sa mga ito dahil sa ‘vote shaving”.
Maging si Buhay party-list Rep. Lito Atienza na sa unang pagkakataon ay isang silya lamang ang nakuha sa 18th Congress, ay nagsabi na “hindi masaya” dahil sa mga problemang nangyari tulad ng aberya sa 961 vote-counting-machines (VCMs) at na-corrupt na 1,665 SD cards.
Kasama rin sa paiimbestigahan ng grupo ni Suarez ay ang pagtitipid na ginawa ng Comelec dahil P29 million lamang sa P80 million na pondo ang kanilang ginagamit para sa SD Cards.
“The budget for the supply of SD Cards was approved at P80 million. However, the winning bid was only P29 Million. That is considerably less than 40 percent of the approved budget. We way ask, what happened to the remaining budget? With all the mishaps in the recent election, we got what we paid for,” ani Suarez.
Maliban sa pondong ito ay bubusiin umano ng Kongreso ang Comelec kung paano ginastos ng mga ito ang P9 billion na pondo sa natatapos na halalan.
Kasabay nito, isinusulong din ng minorya sa Kamara na amyendahan ang Election Law para bumalik sa mano-manong bilangan sa mga presinto upang masiguro ng mamamayan na nabibilang ang kanilang boto subalit electronic ang gagawing transmission sa Comelec main office.
115