INTELLIGENCE MONITORING PINAIGTING NG PNP KAUGNAY SA SONA NI PBBM

HINDI nagpapakampante ang pamunuan ng Philippine National Police sa kanilang isinasagawang paghahanda kaugnay sa gaganaping ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na Hulyo 22, 2024 sa kabila ng naka-ambang mga kilos protesta.

Ayon sa Pambansang Pulisya, sa kasalukuyan ay wala silang namo-monitor na validated threat o seryosong banta sa nalalapit na SONA ng Pangulong Marcos.

Subalit tiniyak ni PNP chief, Police General Rommel Francisco Marbil, sa kabila nito ay hindi pa rin sila magpapakampante kaya inutos niya na paigtingin ang kanilang intelligence monitoring.

Unang inihayag ng PNP na nasa 22 libong pulis ang ikakalat sa paligid ng Batasan Complex, sa mga lugar na posibleng maging tagpuan ng mga militanteng grupo, at mga hangganan papasok at palabas ng Metro Manila.

Bukod pa rito ang pagtatalaga ng Armed Forces of the Philippine ng sapat na puwersa mula sa kanilang Joint Task Force-NCR bukod pa sa standby augmentation force na ihahanda ng AFP General Headquarters at tatlong major services nito.

Sa gitna ng inaasahang kaliwa’t kanang kilos-protesta ng iba’t ibang mga grupo, naglabas ng direktiba si Gen. Marbil sa pulisya na pagpapairal ng maximum tolerance sa hanay ng mga raliyista na makikisabay sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr.

Ayon kay Marbil, nais nilang mairaos nang maayos ang SONA ng Pangulo nang walang gusot sa pagitan ng mga pulis at militanteng hanay, sa katunayan sapat na bilang ng mga pulis ang kanilang ipakakalat at nakahandang magdagdag kung kinakailangan.

Sinabi pa ni Marbil, ang posibleng epekto lang sa trapiko ang pag-aaralan ng mga awtoridad upang hindi mahirapan ang mga mananakay, habang tinutukoy na rin ang mga designated area para sa mga raliyista para roon sila maglabas ng kanilang mga hinaing sa gobyerno.

Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa iba’t ibang militanteng grupo para walang misinformation pagdating sa inaasahang mga kilos-protesta. (JESSE KABEL RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment