OKEY lang umano sa China ang isinagawang joint maritime patrol ng Pilipinas at ng Estados Unidos sa bahagi ng West Philippine Sea basta hindi masasaling ang kanilang soberanya at pansariling interes.
Ito ang inihayag ni Mao Ning, Deputy Director of Information ng Ministry of Foreign Affairs of China, hinggil sa katatapos na joint aerial and maritime patrol ng US at Pilipinas.
Ayon kay Mao Ning, ang tagapagsalita ng China Foreign Ministry, “China has stated its position to the Philippines and the US. The joint patrol must not hurt China’s territorial sovereignty and maritime rights and interests.”
Subalit sa panayam ng ilang kasapi ng Defense Press Corps sa isang ranking US Air Force official, kinumpirma nitong binuntutan sila ng China habang nagsasagawa ng joint sovereign aerial and maritime patrol.
Ayon sa US Military officer , dedma lang sila dahil lagi naman umanong ginagawa ito ng China, sanay na sila na sinusundan at wala naman umanong dapat ikabahala dahil nasa international water sila at ang kanilang ginagawa ay sang-ayon sa umiiral na international laws on the seas.
Sinegundahan ito ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar, na salig sa umiiral at iginagalang na International Law ang Joint Maritime Patrol ng Pilipinas at Estados Unidos partikular sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ay ginawa ni Col. Aguilar kaugnay sa katatapos na tatlong araw na joint maritime activity ng AFP at US IndoPacific Command na nagsimula sa Mavulis Island sa Hilagang Luzon.
Nilinaw pa ni Col. Aguilar na ang aktibidad ay hindi ‘show of force’ at hindi naglalayong paypayan pa ang umiiral na tensyon sa pinag-aagawang karagatan.
Ayon sa opisyal na tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan, pagpapakita lamang ito ng determinasyon ng Pilipinas na itaguyod ang ‘sovereign rights’ at hurisdiksyon ng bansa nang naaayon sa international maritime conventions na nagsusulong ng mapayapang pagresolba sa mga maritime conflict.
Ang mga kasunduang ito aniya ang nagsasaad na walang dapat na ‘dangerous maneuver’, pangha-harass at paggamit ng water-cannon sa pagresolba ng mga alitan.
Kasunod nito, patuloy na umaasa ang Sandatahang Lakas na tutupad din ang China sa international conventions partikular na ang United Nations Convention on Law of the Seas.
(JESSE KABEL RUIZ)
