KAMARA, BAKIT TAHIMIK SA DELAYED NA BUDGET?

congress

(NI BERNARD TAGUINOD)

NAKABIBINGING katahimikan ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa nakabimbin na 2019 national budget na hindi mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit naratipikahan na ito noong Pebrero.

Maging ang alegasyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hinihintay pa ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang mga proyekto ng mga kongresista para maisingit sa P3.757 trilyon national budget ngayong taon ay hindi pinapansin ng liderato ng Kamara.

Noong Biyernes, Marso 1, ay hiningan ng mga mamamahayag ng pahayag si House committee on appropriation chair Rolando Andaya Jr., hinggil sa alegasyon ni Lacson subalit hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay wala pang inilalabas na statement ang kongresista.

Magugunita na niratipikahan ng Kamara ang committee report hinggil sa 2019 national budget noong Pebrero 8, matapos ma-delay ang pagpapatibay nito sa Bicameral conference committee.

Gayunman, hindi pa umano inirerehistro ng Kamara sa Office of the President ang nirapitikahang committee report sa nasabing budget kaya hindi pa ito mapipirmahan ng Pangulo.

Nagkaroon ng kontrobersya sa national budget matapos pasabugin ni Andaya ang P75 bilyon na isiningit umano ni Budget and Management Secretary Benjamin Diokno sa nasabing budget ngayong taon.

Sa nasabing halaga P51 bilyon dito ay natuklasang pinaghati-hatian ng mga mambabatas maliban sa ilang hindi kaalyado ng administrasyon subalit ni-realign ito sa Bicameral conference committee.

Sa gitna ng Bicam meeting ng dalawang Kapulungan, natuklasan ng mga kongresista ang umano’y P190 bilyon na ‘isiningit” umano ng mga senador sa national budget subalit hindi nangyari ang kagustuhan ng Kamara na idetalye ang mga proyektong para malaman ng publiko.

246

Related posts

Leave a Comment