(NI KIKO CUETO)
(UPDATED)
KINUMPIRMA ngayon ni Agriculture Secretary William Dar sa panayam sa morning show ng ABS-CBN na Umagang Kay Ganda na positibo sa African Swine Fever (ASF) ang bansa.
Ayon kay Dar, ito ang lumabas sa kanilang ginawang pagsusuri sa mga baboy na namatay.
Pero sa kabila nito, tiniyak nila na na-quarantine na ang mga lugar na meron nito at kakaunti lamang.
Sinabi pa ni Dar na ang mga karaniwang ibinebenta sa palengke ay dapat dumaan sa pagsusuri ng mga mamimili.
Madali lang naman umano ito dahil dapat ay may tatak ng National Meat Inspection Service ang mga karneng baboy, bago ito ibenta o bilhin.
Naghigpit na rin ang pamahalaan maging ang mga LGU sa mga baboy na lalabas at papasok sa kanilang nasasakupang lugar.
Ayon kay Dar, sa 20 na pig blood sample na kanilang ipinadala sa United Kingdom, 14 dito ay positibo na sa ASF.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang ahensya kasunod ng mga serye ng mga pagkamatay ng mga baboy sa nagdaang mga lingo.
“We received late last week the laboratory test results coming from the United Kingdom and 20 blood samples have been sent but out of the 20 blood samples, 14 are positive with African Swine Fever,” sinabi nito.
Inaalam na rin ngayon ng DA ang lawak ng sakit na ito sa babuyan sa bansa at gaano kabilis kumakalat.
“Hindi pa natin alam ngayon how virulent these viruses are. How important these viruses are in terms of their spread,” sinabi ni Dar.
Sa ngayon ay hinihintay pa nila kung anong uri ng strain ito.
“Hihintayin pa natin kung ito ba ay weak or the virulent ones. Wala pa yung resulta niyan,” sabi ni Dar.
LIGTAS KAININ
Pero sa kabila nito, idineklara ni Dar na ligtas kainin ang mga baboy sa Pilipinas.
Katunayan, pinangunahan ni Dar at ni health Secretary Francisco Duque ang boodle fight kung saan tampok ang iba-ibang luto ng karneng baboy, kabilang ang lechon.
Mismong si Sec. Dar ang kumain ng baboy para ipamalas na ligtas nang kainin ang mga baboy.
Paliwanag ni Dar, dumaan sa quarantine ang mga lugar na naunang sinabi na may swine flu virus, tulad sa Rodriguez, sa lalawigan ng Rizal.
Ganun din umano sa ibang lugar na naunang ibinalita na may mga nagsisimatayan nba mga baboy.
Sinabi ni Dar na basta dumaan sa tamang handling at pagsusuri ng mga inspectors, tiyak na maayos ito maging ang mga nasa palengke.
Iginiit naman ni Dar na dapat ay may tatak ng NMIS ang mga bibilhin na karne para matiyak na ang kaligtasan nito lalo na ang ibinebenta sa palengke.
174