KASABWAT NG SMUGGLERS SA GOBYERNO SAMPULAN

KAILANGANG masampulan na ang mga kasabwat ng smugglers sa gobyerno lalo na sa mga produktong agrikultura kung nais ng kasalukuyang administrasyon na masugpo na ang mga ganitong gawain ng mga tiwaling negosyante.

Ginawa ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee ang nasabing pahayag matapos masakote ang umano’y onion smuggler na si Jayson de Roxas Taculog kamakailan.

Ayon sa mambabatas, hindi magtatagumpay ang mga smuggler, hindi lamang si Taculog, na maipasok sa bansa ang kanilang mga kontrabando kung walang kasabwat sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture (DA).

“Dapat maisama ang kasabwat. Hindi pwedeng mag-smuggle ka na walang kasabwat. It takes to tango,” ayon sa mambabatas kaya kailangang magsagawa ng imbestigasyon kung sino-sino sa opisyales ng gobyerno ang kakutsaba ng mga smuggler.

Bukod dito, hiniling ng kongresista sa mga kinauukulan na tiyaking maparusahan ang smugglers dahil karaniwan aniyang walang nangyayari sa mga kasong isinampa sa mga ito.

Iginiit din ng mambabatas na kailangang paghandaan na ng gobyerno ang El Nino phenomenon na posibleng maranasan ng bansa sa Enero o kaya Pebrero ng susunod na taon dahil malaking epekto aniya nito sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Hanggang ngayon ay wala pang natatanggap na report ang publiko kung papaano pinaghahandaan ng gobyerno ang El Nino kaya inatasan ni Lee ang National Irrigation Administration (NIA) na ilatag ang kanilang plano para hindi maubusan ng tubig ang mga sakahan.

Bukod dito, kailangang tulungan aniya ng DA ang mga magsasaka at bigyan ang mga ito ng binhi na matibay sa panahon ng tagtuyot upang masiguro na hindi mabawasan ang produksyon ng palay.

(BERNARD TAGUINOD)

80

Related posts

Leave a Comment